NAGSIMULA nang magtanggal ng mga sagabal sa “Mabuhay Lanes” ang MMDA at PNP-HPG, partikular mga manininda na sinakop na ang malaking bahagi ng mga kalsada. Palapit na ang kapaskuhan kaya tiyak magiging mas matindi pa ang trapik sa Metro Manila. Mga ibang manininda ay kusa nang nagtanggal ng mga tindahan nila, kaysa sa masira o makumpiska ang kanilang mga bilihin. Kaya maaga na rin nagsimulang maglinis ng mga kalsada ang MMDA ay para sa gaganaping APEC meeting sa susunod na linggo. Nagsigawa na nga ng dry run ang mga opisyal noong Lunes ng hapon, kung saan isang hanay ng EDSA at Roxas Blvd. ang isinara sa publiko, para solong magamit ng mga sasakyan ng mga delegasyon ng APEC. Nagdulot ito ng matinding trapik sa Metro Manila dahil wala namang sapat na abiso sa publiko na gagawin ito.
Kaya lang, kung malinis nga ng MMDA at PNP ang mga kalsada ngayon, babalik lang ang mga manininda kapag hindi na “mainit” ang isyu sa kanila, ika nga. Kaya dapat lagi nang may mga bantay ang MMDA at PNP sa mga lugar na kilalang tinatayuan ng mga tindahan sa kalsada, para hindi na talaga makabalik.
Malaking bagay ang APEC meeting sa susunod na linggo. Mga lider ng mga mayayaman at makapangyarihang bansa ang dadalo, tulad ni US Pres. Barack Obama, Russian Pres. Vladimir Putin at Chinese Pres. Xi Jinping, sa kabila ng mainit na isyu ng Spratlys. Ayon kay Sec. Almendras, hindi naman daw tatalakayin ang isyu ng Spratlys sa APEC. Negosyo ang pangunahing pakay ng lahat ng bansang dadalo.
At dahil sa napakaraming lider ang dadalo, lahat ng preparasyon ay ginagawa ng gobyerno para maging ligtas ang lahat. Magiging mahigpit ang seguridad. Ito rin ang dahilan kung bakit dineklarang walang pasok ang mga paaralan at opisina ng gobyerno sa dalawang araw ng summit ay para hindi na madagdagan ang trapik sa Metro Manila. Kaya iwasan ang mga kalsadang isasara sa publiko habang nagaganap ang APEC para hindi maipit. Magbakasyon sa bahay.