Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
GUSTUHIN MAN niyang lumabas hindi niya magawa dahil nakakahon siyang parang sardinas sa maliit niyang tindahan.
“Husto naman ang bayad namin sa renta, hanap buhay ang gusto namin. Nagkaroon ng interes ang may-ari dahil nakita niyang malaki ang kita kaya gusto niyang siya ang magpatakbo nito,” sabi ni Rex.
Ika-10 ng Oktubre 2014 nang sapilitang bakuran ang pinagbebentahan ni Rex Garbo. Tauhan ng kanyang kasero na si Raul Cruz ang gumawa nito.
Ayaw umalis ng kanyang ina sa pwesto dahil baka raw mawala ang paninda. Iniutos daw ni Raul sa mga trabahador na bakuran ang lugar kahit nandun ang inang si Honora. Nakulong ito kasama ang mga panindang malaki din ang halaga.
Kwento ni Rex taong 2000 ng mangupahan sila sa ina ni Raul na si Amor. Ang usapan Php1,200 tuwing linggo. Nagtitinda sila ng RTW at ukay-ukay.
“Malakas ang kita namin dahil sa bangketa nakapwesto. May bubong kami sa gilid ng bahay nila. Nagulat na lang ako nang humingi ng karagdagang Php200 si Raul,” pahayag ni Rex.
Ipinaliwanag niyang wala na silang kikitain. Sagot nito lumayas na lang daw sila kung hindi papayag. Para walang gulo nagbayad na lang sina Rex.
Ilang araw ang nakalipas binakuran na ang kanilang tindahan. Humingi sila ng tulong sa Kapitan pero hindi ito naaksiyonan. Anim na pu’t siyam na taong gulang ang ina. Naghihina ito ng mailabas matapos ang walong oras.
“Nagpa-blotter ako sa barangay pero sinabihan ako ni Kapitan na wala raw akong maikakaso kay Raul,” wika ni Rex.
Nang walang nangyari dumulog siya sa Department of Interior and Local Government (DILG). Saka pa lang natauhan si Kapitan. Ipinagwalang bahala ito ni Raul kaya’t nabigyan siya ng Certificate to File Action (CFA).
Dala ang CFA nagsadya siya sa Prosecutor’s Office ng Maynila para magsampa ng Illegal Detention, Grave Coercion, Unjust Vexation at Theft.
Nagbigay naman ng kontra-salaysay si Raul. Ang ina niya raw ay nag-apply ng permit sa pagpapaayos ng bakod pati na ng ‘sidewalk enclosure Permit’ para sa kanilang proteksyon at seguridad. Tatagal ito ng isang buwan.
Binigyan daw ng Notice to Vacate sina Rex nung Mayo 12, 2014. Nung Hunyo 27, 2014 nagsimula na ang sidewalk clearing operation. Naroon daw ang halos 50 MMDA personnel, barangay kagawad at kinatawan ng Manila City Hall.
Mariin niya ring itinatanggi na nanghingi siya ng karagdagang bayad at hindi niya din pinilit ang mga ito na magbayad ng upa sa sidewalk. Ito daw ay dininig na noon nang magreklamo sina Rex sa kanyang inang si Amor at naresolbang walang rentang kukunin. Itinatanggi niya din ang tungkol sa pagkakakulongni Honora, ayaw daw nitong umalis kaya hindi na nila pinilit.
Dahil nagahol sila sa oras sinabi ng Prosecutor na ‘submitted for resolution’ na ang kaso. Meron pa silang mga testigo na gustong magbigay ng pahayag kaya naghain sila ng ‘Motion to re-open to admit additional affidavit’.
Matapos makapagpasa ng kani-kanilang panig ‘Submitted for resolution’ na ang kaso.
Nagtinda pa din sila sa gilid ng bahay nina Raul, tuloy daw pati renta.
Ika-27 ng Enero 2015 nang may pumarang sasakyang itim sa harap ng kanilang tindahan. May bumaba na apat na pulis. Lumapit sa kanya si PO2 Dennis dela Cruz at sinabi umano na ang Php300 bawat linggo na ibinibigay niya ay gagawin daw Php500. Sumagot si Rex na Php300 lang ang kaya niya.
Kapag hindi raw siya pumayag hahakutin nito ang mga paninda. Sumagot siyang wala siyang magagawa kung hahakutin ito at konsensya niya na lang dahil inutang pa nila sa 5-6 ang pinangpuhunan.
May ‘hawkers ticket’ si Rex at nagbabayad siya ng Php20 araw-araw. May sertipikasyon din daw siya sa barangay at legal ang kanyang pagtitinda.
“Sumama ka sa presinto!” sabi daw ng pulis.
Nagmatigas si Rex dahil wala naman siyang kasalanan. Pinagtulungan daw siyang hatakin ng mga pulis at pilit isinasakay sa kulay itim na kotse. Nilagyan ng posas at nailang lang ang mga ito ng mapansing kinukunan sila ng video ng kapatid. Hinila-hila pa raw siya sa malayo, dun binugbog at tinutukan umano ng baril. Dumating ang mobile. Ikinulong siya sa Manila Police Station.
Kinasuhan siya ng Obstruction, Resistance and disobedience to a person in authority at Direct Assault.
Tatlong araw siyang nakulong. Halagang Php2,200 inilagak niyang piyansa saka siya nagtungo sa National Police Commission (NAPOLCOM) para ireklamo ang mga pulis.
Noong ika-27 ng Abril 2015 naglabas ng resolusyon si Asst. City Prosecutor Nelson Pagaduan sa kasong isinampa ni Rex kay Raul. Ayon dito, wala daw matibay na ebidensiya para patunayan ang akusasyon ni Rex.
‘Dismissed’ ang kaso sa kakulangan ng ebidensiya.
“Sabi ko sa abogado namin mag-file ng Motion for Reconsideration pero hindi yata nakagawa kaya nahuli na kami,” sabi ni Rex.
Tanong ni Rex may paraan pa ba raw silang pwedeng gawin para maituloy ang kaso laban kay Raul dahil sa trauma na pinagdaanan ng kanyang ina.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa Prosecutor dahil hindi siya nakapag file ng Motion for Reconsideration sa tamang panahon. Lubhang hihina ang kaso kapag itoy’ ini-refile niya na base pa rin sa mga dati niyang ebidensya at testimonya. Ano ba ang Illegal Detention? Dapat illegal na ikinulong ang tao na tumagal ng limang araw. Dapat din nagkaroon ng mga injuries na grabe ang nagrereklamo. Dapat din may perang hinihingi o perang kapalit para sa kanyang kalayaan at ang pang huli dapat ang may kagagawan nito ay nagpanggap na sila ay mga otoridad.
Sa punto naman ng Coercion ang ginagawa ng mga taong inaakusahan niya na may kasamang barangay official, MMDA. Inaakusahan siya ng Obstruction sa paggamit ng sidewalk. Alegasyon lang daw ng nanay ang ginawa sa kanyang pagkulong sa loob ng yero. Ang nakikita kong maaaring gawin dito ni Rex ay yung nanay niya ang pagreklamuhin dahil siya ang lumalabas na umano’y biktima. Ituon nilang mabuti ang pansin sa kasong isinampa nila sa NAPOLCOM dahil kung may video nga silang maipapakita ito’y malakas na ebidensya kung paano kinaladkad, pinosasan at isinakay sa isang police mobile kung ganun nga ang nilalaman ng video.
Sa huli naming pananalita ang bangketa o sidewalk ay ginawa ng syudad ng maynila para lakaran ng mga tao. At hindi para tayuan ng tiyangge para pagkakitaan ng pera. May tamang lugar kung saan dapat magbenta at kung ang ma brgy official ay kinokotongan sila pang renta pwede nilang ireklamo ang mga ito sa DILG.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.