TULAD ng pinangambahan, umabot na sa international media ang “tanim-bala scam” na nagaganap sa NAIA. Sa Fox News, binatikos ang nagaganap na scam kung saan binibiktima ang mga paalis o pauwing pasahero. Sa Japan, nagsigawa ng pagsasadula kung paano ginagawa ang tanim-bala sa isang palabas sa TV. Ang BBC, CNN at Time ay inulat na rin ang nagaganap na scam sa NAIA. Naglabas na ng babala ang UN sa kanilang tauhan hinggil sa scam. May app na laro na nga para sa mga smartphone kaugnay sa tanim-bala. Sa kabila ng pangmamaliit ng iba sa sitwasyon, hindi maitatanggi na kalat na ang isyung ito sa buong mundo.
Kaya ngayon, inaasahan ng Palasyo na ang isyung ito ay hindi makakaapekto sa turismo ng Pilipinas. Sana nga hindi, pero kung manlalakbay ka at ganito ang naririnig mo sa balita, hindi ka masisisi kung may pangamba ka nang magtungo ng Pilipinas, hindi ba? At kitang-kita na nga ito sa mga bagahe ng mga pasahero sa NAIA. Balot na balot sa plastic at tape ang mga bagahe. Pero hindi pa rin sapat ito para siguradong magbigay ng proteksyon sa manlalakbay. Ang dapat ay huwag na huwag nang pahahawakan kahit kanino ang mga bag, lalo na mga handcarry. Bantayan nang husto. Maging mapagmasid sa mga taong lumalapit o bigla ka na lang babanggain. Ang sanay na mandurukot ay kayang-kaya magtanim ng bala sa katawan mo kung hindi na kaya sa bagahe. Kung grupo kayo ng manlalakbay, ilagay ang mga bagahe sa gitna ninyo at bantayan.
Mababa na raw ang moral ng mga tauhan sa NAIA. May mga naiinsulto na raw. Eh kaninong kasalanan iyon, mga biktima? Magkakaroon ba ng ganitong reaksyon ang taongbayan kung hindi sila ang nalalagay sa peligro? Kung gustong maibalik ang tiwala ng tao sa kanila, dapat may magsalita na mula sa hanay nila tungkol sa scam na ito. Alam ko may mga hindi naman sangkot sa scam at tapat sa trabaho, pero ayaw lang magsalita laban sa kabaro nila. Kailangan nang magsalita at sumasama na nang husto and sitwasyon. Lumalabas na rin ang mga naging biktima noon pero hindi na lang nagsalita. Sila ang mga nagbigay na lang ng pera kapalit ang makaalis nang walang aberya. Hinihikayat nang marami na lumabas na lahat ng naging biktima, para makita na matagal nang problema ito, na ngayon lang nabibigyan ng tugon.