Metro Manila itinatago sa paningin ng APEC

NU’NG dekada-70 ipinakita ni diktador Marcos ang kanyang umano’y “smiling martial law” sa pagho-host ng global conferences. Si First Lady Imelda Marcos ang humahawak ng paghahanda. Lahat inaasikaso niya -- mula sa malakihan at mabilisang pagtayo ng convention hotels hanggang sa menu ng bangkete. Dapat walang makitang “masama.” Kaya binabakuran niya ng mataas na pader na pinturadong puti ang squatter areas sa daanan ng motorcades. Sa gan’ung paraan naitago ng mag-asawang Marcos ang tunay na karalitaan ng Metro Manila, habang nagka-cocktails sila ng champagne at caviar.

 Lumala na ang kundisyon ng metropolis mula noon. Lumaki ang squatter colonies sa paligid. Mas siksikan na sa kalunsuran. Nagka-commuter railways na sa ibabaw ng EDSA at gilid ng Roxas Boulevard, pero sira-sira naman. Buong araw-gabi na ang trapik, barado ang pier, at congested pati airport runways. Inagaw na ng mga palengkera ang mga bangketa, nagkalat ang basura sa kalsada, mabantot ang hangin, at naglipana ang pulubi at batang kalye.

Sa susunod na linggo magho-host ang Aquino administration  ng Asia Pacific Economic Cooperation Forum. Bukod sa seguridad ng 21 heads of state, itatago muli ang kabulukan ng Kamaynilaan. At dito, nagiging mas-Imeldific pa ang gobyerno kaysa orihinal na “Madame First Lady” noon.

Sapilitang isasara ang mga eskuwelahan ng isang linggo, ang gobyerno ng tatlong araw, at mga pribadong kumpanya ng dalawang araw. Mahigit isang libong international at domestic flights ang kakanselahin. Bahala na magpa-rebook sa airlines ang mga negosyante, OFWs, at bakasyunistang nagbabalak dumating o umalis sa linggong ‘yun. Isasara ang buong Roxas Boulevard at kalahati ng EDSA para sa sasakyan lang ng APEC participants. Pananatilihin sa mga bahay o pauuwiin sa probinsiya ang 14 milyong residente ng national capital.

 

 

Show comments