TALAGANG araw-araw ay “tanim-bala” ang isyu ngayon. At bakit hindi ka mangangamba, kung buhay mo ang nakataya. Ang mahulihan ng kahit isang pirasong bala ay haharap sa kriminal na kaso at maaaring makulong pa. Kaya nagtataka talaga ako na kung ganito kabigat ang parusa sa nasabing krimen, bakit tila laganap ang pagdala ng bala sa NAIA ngayon? Ang sagot ay dahil talagang may mga nagtatanim ng bala para kumita ang ilang tauhan ng OTS. Iyan lang ang paliwanag diyan. Sigurado ako na kung hindi na krimen ang pagdala ng isa o dalawang pirasong bala sa bagahe, titigil na ang kalokohan na iyan.
Kaya may mga nagpapanukala na baguhin ang batas hinggil sa mga bala sa bagahe. Kung isa o dalawang bala, bakit hindi kumpiskahin na lang? Kapag hindi na kriminal ang pagdala ng isa o dalawang bala, wala nang dahilan para mangikil ang mga tauhan sa NAIA. Gawing kriminal kapag maraming bala na ang dala, sabihin natin higit 10 o 20. Mas mahirap na siguro magtanim ng 10 o 20 bala, hindi ba? At kung matuloy nga ito at may mahulihan ng 10 bala sa bagahe, alam mo nang nag-aadjust na rin ang mga kriminal.
Ang pahayag ng halos lahat ng kinauukulan sa NAIA ay wala daw sindikato na gumagawa ng “tanim-bala.” Tila ang pahayag ay lahat ng nahulihan, kahit mga senior citizen at batang mag-aaral, ay lumabag sa batas. Senior citizen na magdadala ng bala? Mag-aaral na paalis para lumahok sa paligsahan ng kantahan may balang dala? Hindi ba nakakatawa iyon? Kung agimat, anting-anting o souvenir ang dahilan ng mga nahuhulihan ng bala, sige kasuhan. Pero karamihan ng mga nahuhulihan ng bala ay siguradong tinaniman. Pati nga taxi driver, mukhang kasabwat na rin ng ilang tauhan sa NAIA at sila na rin ang nagtatanim ng bala. Talagang mahirap labanan ang krimen lalo na kung mga nagpapatupad pa ng batas pa ang kalaban.
Kaya nasa kamay na lang natin ang ating kaligtasan mula sa mga kriminal. Huwag nang magtaka ang NAIA kung lahat ng bagahe ng pasahero ay balot na balot na ng plastic o kung ano pang mga paraan para maging ligtas ang bagahe. Dapat bukod sa plastic ay paikutan na rin ng duct tape, para mahirap punitin. Huwag din magreklamo ang sinoman sa NAIA kung wala nang tiwala ang taumbayan sa kanila, at hindi naman ang taumbayan ang may kagagawan ng pagkawala ng tiwala. Taumbayan nga ang biktima, kaya ginagawa na lang ang lahat para maging ligtas, sa kabila ng mga pahayag na wala naman daw sindikato sa NAIA. Kung gusto nilang bumalik ang tiwala ng taumbayan, isiwalat na nila ang nasa likod ng kalokohang ito sa NAIA. Kasuhan at ikulong. Ipakita na ang taumbayan ang kailangang bigyan ng proteksyon, wala nang iba.