SA modernong panahon ang pagiging hudas ay pagiging santo na rin.
Hinggil ito sa kontrobersiyal at hindi pa rin matulduk-tuldukan na tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinuman ang maghuhudas sa mga kasapakat sa kanilang hanay, bayani sa mata ng tao partikular sa mata ng mga overseas Filipino workers (OFW).
Ituro ang mga nasa likod ng tanim-bala at isuka ang kanilang ginagawa. Ipagbigay-alam ang mga pagkakakilanlan ng sindikato nang gumulong ang ulo pauwi sa kanilang mga bahay.
Ang problema sa mga empleyado ng NAIA, mas pinipiling tumahimik na lang. Mas gustong manatli sa dilim. Ayaw inguso ang mga personalidad na nasa likod ng modus.
Isang uring terorismo ang ginagawang ito sa airport. Sinuman ang nasa likod nito gustong maghasik ng takot sa mga tao para makaramdam ng pangamba, walang katiyakan at kawalang-pag-asa.
Nitong mga nakaraang araw, sinasabi ng ilang mga empleyado sa airport na nasasaktan na sila sa negatibong persepsyon ng tao. Nade-demonized na daw ang kanilang trabaho dahil sa tanim-bala.
Subalit ang pamahalaan, tikom pa rin ang bibig sa isyu. Kung hindi isolated case ang sinasabi, ang tanim-bala daw ay isang uring paninirang pulitikal sa administrasyon.
Wala silang magawa, ayaw sibakin ang kung sino ang may pananagutan bagkus ang makikita tahimik na pangungunsinte ni Pangulong Noy Aquino at ni Transportation Sec. Joseph Abaya kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Angel Honrado.
Dismayado na ang publiko sa pagte-teka-teka ng pamahalaan sa tanim-bala. Nag-iwan na rin ito ng panget na imahe sa buong mundo.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.