NAGSISIMULANG bangayan at away sa simpleng usap-usapan. Kapag naniwala ka sa tsismis na nagpasalin-salin sa dulo nito ikaw ang talo.
“May kinausap na raw siyang pulis at anong oras pwede niya nang ipadampot ang anak ko. Ang dahilan niya ay ang nakitang picture,” sabi ni Lorena.
Nakuhanan ng isang litrato ang labing anim na taong gulang na anak ni Lorena Alolod na itatago namin sa pangalang ‘Wendy’ kasama ang isang limampu’t apat na taong gulang na lalaki.
Nagtatrabaho lang sa tapat ng kanilang tindahan ang lalaki na si John Sabanal. Malapit lang din ang bahay ng mga ito sa kanila kaya’t kilala nila ito.
Iginigiit ng asawa ni John na may ebidensiya siyang magkasama ang dalawa. Ito ang palagi niyang pinagsisigawan sa kanilang lugar.
“Kasal daw sila kaya may karapatan siyang kasuhan ang anak ko. Hindi naman imposible na magkausap ang anak ko at si John dahil nga magkatapat lang kami,” pahayag ni Lorena.
Madalas lang daw nakakakwentuhan ng kanyang anak si John lalo na kung nagpapahinga ito. Sinisita na ni Lorena si John baka magalit na naman ang asawa nito.
Lagi na lang itong nagsisisigaw sa kanila at nang pabintangang kabit ang kanyang anak kusa na itong lumayo dahil ayaw makaladkad ang kanyang pangalan sa ganyang uri ng tsismis.
“Kung nag-uusap man sila masasabi kong wala silang ginagawang masama dahil kasama ako ng anak ko,” wika ni Lorena.
Sa pangbibintang daw na ito ilang beses na silang nagharap sa barangay. Lagi itong sumusugod sa kanila at may pagkakataon pang sinusuntok siya nito. Buti na lang nakailag siya ang problema ang anak naman niyang isang taong gulang ang natamaan.
Pinagmumura raw sila nito at kung anu-ano ang sinasabi tungkol sa kanilang pamilya. Lasing pa nang dumating.
“Nagpa-blotter kami sa ginawa niyang panununtok. Nagkausap kami at pinagbigyan namin siya sa unang pagkakataon dahil nakainom nga. Ang usapan namin huwag niya lang uulitin ang ginawa niyang pananakit,” salaysay ni Lorena.
Ilang beses silang sinugod ng asawa ni John at sinabi pang ipapakulong niya si Wendy.
Nung simula hinayaan lang nila ang asawa ni John dahil ayaw na nilang lumaki pa ang gulo. Alam naman nila na walang ginagawang masama si Wendy at walang katotohanan ang mga ibinibintang nito.
“Dalawang beses na siyang nag-eskandalo sa ‘min. Pare-pareho lang naman ang sinasabi niyang paninira sa pamilya namin. Ipinipilit niyang may relasyon ang asawa niya sa anak ko,” kwento ni Lorena.
Nagkausap sila sa barangay at sabi ng asawa ni John handa raw siyang ipakulong ang asawa. Hiningian ng mga ebidensiya ang nagrereklamo pero wala naman itong mailabas na litrato gaya ng ibinibintang nito.
May kinausap na raw siyang pulis at hinihingian lang siya ng ‘marriage contract’ pwede nang damputin ang kanyang anak.
“Hintayin na lang daw namin ang tamang oras at panahon huhulihin at ikukulong na ang anak ko. Dun na kami nag-isip kung may kaso bang pwedeng isampa kay Wendy,” pahayag ni Lorena.
Hindi nila pinapatulan ang asawa ni John ngunit na-alarma sila nang hindi ito tumigil sa panggugulo sa kanila. Nabawasan man ang panunugod nito sa text naman ito nanggulo.
“Kahit mag-usap pa kayo ng asawa ko palagi wala akong pakialam. Gusto mo sumama ka pa sa kanya tingnan ko lang kung sino ang kawawa at pagtatawanan sa tamang oras. Yung mga nasa paligid mong konsintidor tingnan ko kung may magawa sa ‘yo kapag dinampot na kayo. Kung kayo hindi niyo ako kayang kasuhan kaya ko kayong ipakulong,” text sa kanila ng asawa ni John.
Nangako raw itong hindi na susugod sa kanilang bahay pero nagbitiw ito ng salita na sa korte na lamang sila magharap.
Unang beses daw itong mangyari kay Wendy na idinadawit ang pangalan sa isang bagay na hindi naman niya ginawa. Hindi ngayon malaman ni Lorena kung ano ang kanilang gagawin kung sakaling totohanin nga ang pagpapahuli sa kanyang anak.
“Gusto lang namin malaman ang mga karapatan namin at kung ano ang pwede naming magawa para patahimikin niya na kami. Hindi na maganda sa anak ko ang nangyayari lalo na’t menor de edad siya,” salaysay ni Lorena.
May mga tala naman sila sa barangay tungkol sa usaping ito at ni isang ebidensiya para patunayan ang mga akusasyon ng asawa ni John ay wala itong naipresinta doon.
Hindi rin nila malaman kung ano ang intensiyon nito kung bakit pinaparatangang may relasyon si Wendy at John gayung napakalayo naman ng agwat ng edad ng mga ito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, napakabata ni Wendy para maikabit ang pangalan niya sa tulad ni John nag singkweta’y kwatro na.
Menor de edad siya at ang sinasabi ng asawa na ipapakulong siya ay imposibleng mangyari.
Walang ‘criminal liability’ si Wendy. Unang-una nang magharap sila sa barangay wala namang naipakitang ebidensiya o litrato na sinasabing pruweba niya na magkarelasyon ang dalawa.
Kahit na may litrato, anong uri ng kuha ito. Kung meron dapat makulong ito ay ang lalaking 54-anyos kapag napag desisyunan na magkaso ang pamilya ng babae.
Kung palaging magkausap ang dalawa, hindi yun basehan para sampahan mo ng kaso ang desisais anyos na babae. Kung ang isang lalaki nga na kinasuhan ng ‘Concubinage’ katakot-takot pa na ebidensiya ang kailangan mong ilabas para ito’y patunayan.
Kung sakaling totoo ang mga sinabi sa amin ni Lorena ang asawa pa ni John ang pwede nilang kasuhan sa paninira nito sa kanyang anak.
Hindi mo basta pwedeng ipadampot si Wendy lalo pa’t wala ka namang matibay na ebidensiya na magtuturo na may hindi maganda itong ginawa.
Dapat kasuhan din yung asawa ni John sa mga sinasabi nitong babae ng Grave Oral Defamation in Relation to RA 7610 dahil sa umano’y paninirang puri sa kanyang anak na ‘daisy’ pa lamang.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618