“E DI sabihin n’yo kung ano’ng mga programa ng gobyerno ang nais n’yong ibale-wala, at aalisin na namin.” ‘Yan ang pabalang na sagot sa mga negosyanteng nakiusap sa Administrasyon na bawasan sana ang personal income taxes, na mabigat na 32% ng kabuuang taunang kita. Ang mga insensitibong salita ay nangga-ling kay Mar Roxas, Admin presidential standard bearer sa 2016. Tila nagpapabawas siya ng boto!
Hindi na angkop ang personal income tax bracketing, na isinagawa halos tatlong dekada na noon. Itinalaga na ang kumikita noon ng P500,000 ay papatawan ng direktang buwis na P125,000, plus 32% sa anumang humigit. Malaking halaga ang P500,000 noon; makakabili na ng bagong kotse nang P85,000, na ngayo’y P2 milyon na.
Kinalaunan kinain ng inflation ang halaga ng piso. Ang P500,000 ngayon, o P38,000 kada 13 buwan, ay starting salary lang sa call center ng isang bagong college graduate. Ang P2.5 milyon pinagsamang annual income ng mag-asawang professionals, o P200,000 kada buwan, ay sapat lang para sa pagpapa-aral ng mga anak, pambili ng kotse, panghulog sa bahay, at konting pang-goodtime. Sila ng kumikita ng P500,000 ay nasa parehong tax rate ng humahakot ng P25 milyon-pataas.
Dapat ibaba ang tax bracket ng kumikita ng P5 milyon, para mas malaki ang maiuuwing pera ng indibidwal. Gagastusin din naman nila ito, at papatawan sila ng 12% VAT (value added tax) sa bawat bibilhin. Samakatuwid, kikita pa rin ang gobyerno.
Ano’ng dapat alising gastusin ng gobyerno, tanong ni Roxas? Simple, e di ‘yung P30 bilyong taunang pabuya -- tax incentives at sovereign guarantees ng kita para sa mga paborito niyang negosyante. Kabilang dito ang P7.5 bilyon sa minority partner na mag-e-extend ng LRT-1, P8 bilyong subsidy sa kuryente ng isang American at tatlong Korean factories sa economic processing zones, at P650 milyong balato sa MRT-3 maintenance contractors ng kanyang mga ka-Liberal Party.