AYON sa PAGASA, malapit na mawala nang lubos ang “smaze”, o ang kombinasyon ng usok at “haze” mula sa mga nasusunog na kagubatan sa Indonesia. Ito ay dahil nagbabago na raw ang direksyon ng hangin. Hindi na patungong Pilipinas mula Indonesia ang hangin. Binalutan ng “smaze” ang Visayas at Mindanao itong mga nakaraang linggo, na ikinabahala ng marami at baka masama ang epekto sa kalusugan. Sa tindi ng “smaze”, napilitang magsuot ng mask ang mga mamamayan ng dalawang rehiyon.
Maswerte pa rin ang bansa, kumpara sa mga ibang bansa na mas malapit sa Indonesia tulad ng Malaysia at Singapore. Kita sa mga larawan at balita kung gaano kakapal ang bumalot na usok, na nagdulot ng maraming peligro sa kalusugan pati na rin sa kaligtasan. Ilang metro na lang ang matatanaw sa harap, kaya apektado ang pagmamaneho at marami pang bagay at aktibidad.
Nagsimula ang “Indonesian haze” kung tawagin noong Hunyo nitong taon. Sa totoo lang, matagal nang problema ito ng Indonesia sa tuwing tag-tuyot. At dahil matindi ang El Niño ngayong taon, naging mas malala ang sitwasyon. Pero ang sitwasyong ito ay hindi bunga ng kalikasan, kundi ng tao. May ugali ang ilang mga kumpanya at magsasaka sa Indonesia na sadyang sinusunog ang kagubatan para maglinis ng lupain dahil mas madali at mas murang gawin.
Hindi rin daw sila mapipilitang magtanim muli ng mga puno na nakasaad sa batas ng Indonesia. Sa madaling salita, mas madaling magsunog na lang kaysa maglinis at magtanim. Krimen ito sa Indonesia, pero malinaw na natatalo ang gobyerno nila sa laban na ito. Batikos na nga mula sa kanilang mga mamamayan, pati na rin mula sa ibang bansa na apektado ng kanilang usok ang inaabot ng gobyerno ng Indonesia dahil ang tingin ay hindi talaga pinatutupad o nagiging mahigpit sa batas.
Hindi maintindihan ang tao. Hindi na baleng maapektuhan ang sariling mamamayan, pati na rin ang mamamayan ng ibang bansa, basta lang makatipid. Nagbibigay na nga ng ayuda ang ibang bansa para labanan ang mga sunog, pero kung bakit nagaganap ito ang dapat asikasuhin ng Indonesia. Kung madalas pala mangyari sa tuwing tag-tuyot, at alam na ang ginagawa ng mga kriminal na kumpanya at magsasaka, bakit hindi pinaghahandaan nang mas mabuti?