UMAARANGKADA at dumarami ang benepisyaryo ng programa ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada para magkaroon ng sariling bahay at lupa ang mga maralita sa lungsod.
Isang patunay nito ang iginawad ng Housing and Urban Development Coordinating Council na HUDCC 2015 Award for Best LGU Practices against Professional Squatters and Squatting Syndicates sa pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ang parangal ay iginawad ni HUDCC Chairman Chito M. Cruz kasabay ng 10th Housing Fair sa Megatrade Hall ng Megamall, Mandaluyong City, noong Oktubre 16, at personal na tinanggap ni Erap kasama ni Manila City Engineer Robert Bernardo. Pinagkalooban din ng katulad na parangal ang pamahalaang lungsod ng Angono, Rizal at Quezon City.
Pinagbatayan umano ng HUDCC sa paggawad ng para-ngal ang mga programa at polisiya ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga maralita, partikular ang “No demolition without relocation,” “Land for the Landless program,” at iba pang mga hakbangin ng Estrada administration para magkaroon ng sariling bahay at lupa ang mga Manilenyo.
Ang Land for the Landless program ay alinsunod sa Republic Act (R.A.) 409, o Revised Charter of the City of Manila, na nagtatakda ng pagbalangkas at pagpapatupad ng amortization plan para sa palupa at pabahay sa mga maralita ng lungsod.
Base sa programang ito, ang bawat magiging benepisyaryo ay mabibiyayaan ng homelot o lupang may maksimum na sukat na 50 square meters na babayaran nila nang hulugan sa murang halaga sa loob ng 30 taon.
Sa ilalim ng administrasyong Estrada, dalawa nang pribadong lupain ang naisailalim sa expropriation sa pamamagitan ng naturang programa at naipamahagi sa actual occupants bilang mga benepisyaryo. Ito ay ang Benito Legarda Estate at Encarnacion Lao Santos Estate.
Kamakailan, ipinagkaloob ni Erap, kasama ang Urban Settlements Office sa pamumuno ni Ms. Victoria S. Clavel, ang Certificates of Lot Award sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ng Pabahay at Palupa program ng Estrada administration, na kinabibilangan ng 40 pamilya mula sa Tondo, Sampaloc, Paco, Sta. Ana at Pandacan.