Mar tutol sa Pangasinan International Airport
TUTOL si LP presidential bet Mar Roxas sa panukala ng kalaban niyang si independent presidential candidate Grace Poe na magtayo ng pandaigdig na paliparan sa Pangasinan.
Dream project ng mga kababayan nating Pangasinenses ang international airport sa lalawigan pero no way sa administrasyon Aquino at kay Mar. Waste of money raw.
Kaya naman binatikos ng isang malaking agri-coalition si Roxas. Ayon kay Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na binubuo ng 33 samahan ng mga magsasaka at agricultural organizations, sa proyekto ay bibilis ang daloy ng komersyo at mapapalapit ang Pangasinan sa mga katabing probinsya tulad ng La Union at Baguio.
Ang balak ay magtayo ng isang pandaigdig na paliparan sa Central Pangasinan at isang domestic airport sa Alaminos. Ang Taiwan ay higit na maliit, subalit anim ang international airports at 13 domestic airports. Tingnan naman kung gaano kaunlad ang Taiwan. Tayo ewan! Para kay Roxas, hindi sapat ang dami ng mga pasahero para kailanganin ang isang pandaigdig na paliparan sa Pangasinan na lalawigan ng ama ni Grace na si Fernando Poe, Jr.
Iginigiit ni Roxas na ang paggastos ng pamahalaan ay dapat na nasa tamang lugar. Aniya: “I think spending should be in the right place. If nobody will ride, no airplane will land so there’s no need. We will just be wasting money.”
Ayon kay So, may malaking populasyon ang North at Central Luzon na siyang lalung makikinabang, hindi lamang ang mga taga-Pangasinan. Oo nga naman. Sa dinami-dami ng mga Pilipinong nagbibiyahe sa ibang bansa tulad ng mga OFW, ang mga nasa dulong Luzon ay hindi na kailangang magtungo sa Maynila para sa sasakyang eroplano.
Kaya anang pinuno ng Sinag ang proposal ni Grace Poe ay nasa tamang direksyon para mabilis lumago ang kabuhayan. Pinuna ni Grace na dahil sa kakulangan sa transportasyon, napakababa ng daloy ng turismo sa lalawigan bagamat maraming magagandang historical places at scenic spots na dapat makita. Orihinal na proyekto ito ng administrasyong Arroyo na ibinasura ng administrasyong Aquino. Ayon sa Mayor mismo ng Alaminos na si Arturo Celeste, “napakalaki ng Pangasinan para magkaroon ng international at domestic airport”. Isa pa, ang lupaing balak pagtayuan ay pag-aari na ng Department of Transportation and Communication. Tama. Kung ang layunin ay palakasin ang turismo, dagdag na paliparan ang kailangan. More fun in the Philippines!
- Latest