‘Rebolusyon Kontra Gutom’
MARAMI ang pumupuri at sumusuporta sa programa ni Manila Mayor Joseph Estrada na tinaguriang “Rebolusyon Kontra Gutom” na tutulong sa mga residente ng lungsod na makapagtiyak ng sapat at masustansiyang pagkain sa kanilang hapag.
Una itong inilunsad sa Baseco compound at inaasahang palalawakin pa ito sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sa pamamagitan ng programa ay hinihikayat ang mga Manilenyo na magtanim ng gulay sa kanilang mga bakuran o kahit saang kapirasong lupa o sa kahit anong mga nakatiwangwang na containers na magsisilbing improvised pots mula sa recycled materials.
Ayon kay Erap, “Ang Rebolusyon Kontra Gutom” ay isang adbokasiyang gagamit sa angking sipag at tiyaga ng mga Manilenyo upang sila ay matuto at masanay na magtanim, at sa takdang panahon ay anihin ang bunga ng kanilang kasipagan. Sa ganitong paraan, ang bawat pamilyang Manilenyo ay makatitiyak na regular silang may makakain na masustansya pa, at puwede pa nila itong maging livelihood sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang mga produktong ani.”
Mas makatitipid din aniya ang mga residente sa gastusin sa kanilang araw-araw na pagkain dahil maraming food items ang puwede nilang maitanim at maani sa halip na bibilhin pa nila ito. “Mas lalakas din ang kanilang resistensiya dahil ang gulay ay pampahaba ng buhay,” dagdag niya.
Matatandaang naglunsad din si Erap ng katulad na programa noong 2006 sa Tanay, Rizal. Pagbabahagi pa niya, “Ang ganitong hakbangin ay malapit sa aking puso, laluna noong ako ay matagal na nanatili sa Tanay, Rizal. At doon ay lagi akong nagtatanim… at ako mismo ang naging hardinero.”
Pinasalamatan niya ang mga katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pagpapatupad ng nasabing makabuluhang programa, partikular ang Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, SM Foundation at Harbest Agribusiness Corp.
Binigyang-diin ni Erap na ang programang “Rebolusyon Kontra Gutom” ay bahagi ng food security efforts ng kanyang administrasyon. Ang naturang programa ay agad namang umani ng suporta mula sa mga residente at sa iba’t ibang sektor ng Maynila.
- Latest