MAINIT na ang lagnat-politika gayung di pa nagsisimula ang campaign period. Ang halalan ay isang demokratikong proseso at pribilehiyo ng bawat Pilipino na lumahok sa mga talakayan at diskusyon para sa matalinong pagpili ng mga leaders.
Dapat, bawat botante ay magbato ng matitinong tanong sa bawat kandidato samantalang ang mga kandidato ay dapat ding klarong sagutin ang mga katanungan ng taumbayan. Kung mahuhusay ang maipupuwesto, kredito ito sa mga botante at kung palpak naman ang maiboboto, botante ang may kasalanan. Ang personal kong apela sa mga kapwa ko Pilipino ay manindigang hingin sa mga kandidato ang kanilang solido at konkretong programa sa kabutihan ng bayan. Plataporma hindi puro porma.
Alamin kung ano ang balak ng mga kandidato para guminhawa ang buhay ng bawat nagbabayad ng buwis at magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino. Dapat magkaroon ng sinsero at matalinong pakikilahok ang mga botante sa bawat ginaganap na political exercise sa bansa. Tanungin natin ang ating mga sarili: Sa nakalipas na mga taon bumuti ba ang kalagayan ng ekonomiya; ang ating kalagayang pinansyal; ang pagkaing pinagsasaluhan ng ating pamilya; ang kalagayang pangkaayusan at kapa-yapaan at iba pang importanteng isyu na nakakaapekto sa ating buhay? Sa sagot natin sa mga katanungan na iyan dapat isandal ang ating pagdedesisyon sa darating na eleksyon.
Alamin natin kung ano ang paninindigan ng mga kandidato sa isyu ng pagbabawas ng buwis dahil ito ay mala-king usapin para sa ikauunlad ng kabuhayan ng bawat ordinaryong mamamayan. Wish ko lang, magbago ang paninindigan ni LP presidential bet Mar Roxas sa isyu ng pagbababa sa tax base sa Pilipinas na siyang may pinakamataas na buwis sa buong Asya. Naririnig kasi natin na kung babawasan ang buwis ng mamamayan, dapat ding bawasan ang basic services sa taumbayan.
Hindi ba ang dapat babawasan ay ang sobra-sobrang gastusin ng gobyerno sa mga bagay na hindi importante na nakasaad sa budget bago pagdiskitahan ang basic services na kailangan ng taumbayan?
Kahit ang tambalang Grace Poe at Chiz Escudero ay may agenda na bawasan ang buwis at dagdagan ang sahod ng manggagawa kung papalaring manalo. Si Vice President Binay din, na tumatakbo sa pagka-pangulo ay may agenda ring bawasan ang buwis. At maging ang VP running mate ni Roxas na si Leni Robredo ay payag na payag bawasan ang buwis.
Dapat, magkaisang boses ang mamamayan at manawagan sa lahat ng kandidato lalu na sa pagka-pangulo na kailangan ang tunay at nadaramang reporma. Maging matapang sana tayong lahat sa pagpapahayag nito dahil kinabukasan ng ating mga anak ang nakataya.