NAGPASIKAT ang mga miyembro ng Manila Police District noong Huwebes. Mantakin n’yo mga suki sa loob lamang ng 30 minuto, naitumba nila ang hostage taker sa loob ng HM Transport bus sa Taft Avenue corner Pedro Gil Street. Patunay lamang ito na may police visibility at aktibo ang police bet patroller ng MPD kaya naiplano nang maayos ang pag-neutralized sa bangag na suspek habang hawak ang babaing estudyante ng Technological University of the Philippine sa loob ng bus. Umaktong negosyador si Insp. Boy Minas ng Pedro Gil Police Community Precinct habang hawak ng suspek ang estudyante at nakatutok ang ice pick. Naramdaman ng mga pulis na tila wala na sa sarili ang hosetage taker kaya pumuwesto si Insp. Dionell Brannon sa kanang bahagi ng bus (driver side) at nang makakita ng tiyempo ay nagpaputok ng tatlong beses. Bumagsak ang suspek at nabitawan ang estudyante na sinalo ng mga pulis at itinakbo sa Philippine General Hospital. Tepok ang hostage taker! Congratulations mga Sir!
* * *
Hindi naman nagpatumpik-tumpik kahapon ang Quezon City Police District-Anti-Carnapping (AnCar) at Quezon City Hall-Special Traffic Action Group (STAG) nang makasagupa ang grupo ng carjackers sa Payatas Road, Bgy. Payatas, Quezon City. Ayon sa impormasyong nakarating sa akin, nagkaroon ng follow-up operation ang mga taga- AnCar sa pangunguna ni C/Insp. Richard Ang matapos ang puwersahang pag-agaw ng grupo sa Karolnick Taxi (UWB-489) sa Cubao. Nasundan nila ito sa Commonwealth Avenue hanggang sa Payatas Road. Inalerto nila ang mga taga-QCPD na nasagap naman ni C/Insp. Rolando Lorenzo, hepe ng STAG na ng mga sandaling iyon ay nagsasagawa ng Oplan Sita. Kaya nang masalubong ang taxi ay agad itong pinara ng mga tauhan ni C/Insp. Lorenzo subalit sa halip na tumigil, nagbabaan ang sakay at nagpaputok pati ang kasunod na kulay itim na Isuzu Sportivo, doon na gumanti ng putok ang mga pulis. Nang humupa ang usok ng pulbura, patay ang limang carnappers.
Sa dalawang insidente patunay lamang na aktibo ngayon ang kapulisan sa pagtugis ng mga kriminal. Ito na kaya ang simula ng serbisyong bayan ng PNP? Mukhang epektibo ang pagpapakalat ni PNP chief Ricardo Marquez ng mga pulis sa lansangan. Kayat panawagan ko sa mga nagrereklamong pulis na itinatalaga sa kalye, sundin ninyo ang kautusan ng PNP chief nang mabigyan ng proteksyon ang madlang people na matagal nang umaasa ng mapayapang kapaligiran.