LP ticket buo na, yung iba wala pa

PORMAL nang ibinigay ni CamSur Rep. Leni Robredo ang kanyang matamis na oo kay Mar Roxas. Ibig sabihin, siya na ang magiging vice presidential running mate ni Roxas sa pagtakbo ng huli sa panguluhan bilang standard bearer ng Liberal Party.

Bago matapos ang linggo, inaasahan naman na ihahayag na rin ang opisyal na senatorial ticket ng LP. Ang kantiyaw tuloy ni PNoy sa iba, tila hirap na hirap silang magtagpi-tagpi ng coalition para makabuo ng ticket.

Sa isang okasyon sa Club Filipino, pormal nang di­neklara ng Partido Liberal ang mga pambato ng Daang Matuwid: si Mar Roxas sa pagkapangulo at si Rep.Leni bilang pangalawang pangulo nito. Ang balita nga po sa atin, parang piyesta sa venue dahil sa sobrang sigla ng mga tao.

Matagal-tagal na ring hinihintay ng mamamayan ang isang simple at tunay na lingkod-bayan na manindigan para sa mas mataas na posisyon. Marami nga po ang na-lulugod sa pagpayag ni Rep. Leni Robredo na tumakbo bilang VP, at samahan si Mar Roxas sa pangunguna upang ipagpapatuloy at palawakin pa ang Daang Matuwid.

Sa kanyang talumpati, idinetalye ni Cong. Leni: Ang mga nakaraang linggo ang pinakamahirap na dinaanan ng kanilang pamilya mula noong pumanaw si Sec. Jesse Robredo. Simple lang ang pangarap ni Cong. Leni noon: ang maging abogado.

Pagka-graduate, ginamit niya ang kanyang napag-aralan upang makatulong sa mga mahihirap. Hindi man naging madali ang nakalipas na ilang taon para kay Leni, hindi siya pinanghinaan ng loob--sa halip ay ito pa ang pinaghugutan niya ng lakas. Hinarap niya nang buong tapang ang hamon na maglingkod sa mas mataas pang kapasidad. Sa kabila nga ng hirap ng pagpapasya, inuna niya ang pag-iisip tungkol sa pagtulong sa kapwa bago ang pansariling mga ambisyon.

Iniisip ko pa lang kung ano ang magagawa ng tandem na Mar-Leni, nabubuhayan na ako ng loob. Pareho silang masipag sa trabaho, simple, may integridad at dedikasyon sa paglilingkod sa bayan. Sa tambalang ito nga po natin masisigurong mapagpapatuloy ang Daang Matuwid na atin nang nasimulan.

Show comments