‘Sexy girls’ kunwari lang iimbestigahan

“SISIYASATIN namin ang naganap.” ‘Yan ang malamyang pahayag ni Liberal Party presidential standard bearer Mar Roxas sa malaswang palabas pagkatapos ng mass oath-taking niya ng mga bagong kasapi nu’ng Huwebes sa Sta. Cruz, Laguna.

Ibig sabihin lang nu’n, didribolin nila ang isyu hanggang makalimutan ito ng media at madla. Ang mga matatagal na sa pamamahayag (ako, 36 na taon) ay nakababasa ng mensahe sa gitna ng mga salita. Sa pahayag ng opisyal, alam nila kung nagtatakip lang ito sa katiwalian ng mga kasamahan, o tunay na naghahangad ng paglilinis.

Sa kaso ng LP, kasing-lambot ng tono ni president-on-leave Roxas ang kina vice chairman Frank Drilon at chair Noynoy Aquino tungkol sa “sexy dancers” na na-video’t nag-viral sa social media kaya napahiya sila. “Isolated incident lang ‘yun,” ani Drilon, na tila minamaliit ang mala-king kaso ng pang-abuso sa kababaihan at pagpalabas ng kalaswaan sa harap ng mga kabataang bisita sa isinabay na birthday party ni Laguna Rep. Benjamin Agarao. “Ayaw ng Pangulo niyan,” dagdag ng Malacañang spokesman para kay P-Noy na animo’y walang gana tumuligsa.

Batid ng mga beteranong newsmen ang aksiyon ng opisyal na nagnanais ng matuwid. Ang ipapahayag niya sa ganyang insidente ay, “Pananagutin ko sila.” Ganyan ang ipinahayag ni action man President Fidel Ramos nang maberipika ang kolum ko tungkol sa pag-uwi-uwi sa gabi ng isang drug detainee sa Mandaluyong city jail. Sinibak niya agad ang warden at mga guwardiya matapos matuklasan, sa surprise visit sa madaling araw, na wala nga ang bilanggo.

Alam na ng lahat na sina Agarao at MMDA chief Francis Tolentino ang mga promotor ng malaswang palabas. Kung action man si Roxas, ipa-e-expel niya sa LP ang dalawa, at isasama ang iba pang naki-dirty dancing. Totoo, politics is addition. Pero ang totoong matuwid ay hindi mag-aatubili na magtanggal ng tiwaling kapartido.

Show comments