Huwag magpaloko: PCOS, OMR pareho
BININYAGAN ng Comelec ang PCOS nang ibang pangalan para itago ang kasamaan nito. Inamin ni Co-melec chairman Andres Bautista sa Joint Congressional Oversight Committee on elections na pinababango nila ang imahe ng PCOS (precinct count optical scanner) Tinutuya kasi ito na “Hocus-PCOS,” aniya, kaya binago nila sa generic na OMR (optical mark reader). Tapos narinig niya na niloloko ito na “O-MaR,” patama sa admin presidential candidate Mar Roxas. Kaya ngayon ang ginagamit niya ay VCM, o “vote counting machine.”
Maski humalaw pa sila sa Bibliya ng taguri para sa PCOS, dahil pati si Satanas ay maaring sumapi rito, hindi maikakaila na ang PCOS ay palpak, ilegal, mahal, at pandaya lang -- samakatuwid, masama.
Binansagang “Hocus-PCOS” ang makina ng dayuhang Smartmatic Corp. dahil sa mga katiwalian nito nu’ng Halalan 2010 at 2013. Bagsak ito sa 99.995% accuracy sa lahat ng trial runs bago magbotohan at random audits pagkatapos. Dapat ante-mano ni-reject na ito ng Comelec dahil walang security features na saad ng Automated Election Act: ultraviolet lamp detector ng pekeng balota, resibo ng mga pinunuang balota, at passcodes ng poll inspectors. Pero ginastahan pa rin ng Comelec ng P16 bilyon pang-lease-purchase, accessories, bodega, at deliveries sa dadalawang gamitan lang. Sumablay ito sa pag-transmit ng 9% ng resulta sa presinto nu’ng 2010 at 24% nu’ng 2013, kaya nagulo ang libu-libong boto sa lokal at daan-daang libo sa nasyonal. Sumobra ang bilang ng senatorial votes nu’ng 2013, kaya kinailangan ng Comelec na doktorin ang Transparency Server, at magproklama ng mga “panalo” miski 52% pa lang ang nabibilang. Nabistong mali-mali ang bilangan sa Biliran; Compostela, Cebu; Pasay City; Gen. Tinio, Nueva Ecija; Dinalupihan, Bataan, at iba pang pook. Nandaya nang 60-30-10% sa admin-opposition-independent senatorial candidates, sa lahat ng presinto’t distrito.
Uulitin lahat ito sa Halalan 2016 ng VCM -- vote cheating machine.
- Latest