UMARANGKADA na ang karera sa pagka-presidente sa 2016. Tatlo ang maglalaban: Jejomar Binay, Mar Roxas at Grace Poe. Si Poe pa lamang ang may katambal – si Sen. Chiz Escudero. Si Binay at Roxas ay wala pang inihahayag. Pero sabi ni Binay, mayroon na siyang katambal at ihahayag niya sa nalalapit na panahon. Si Roxas ay wala pang sinasabi ukol dito.
Nang magdeklara si Senator Poe ng kandidatura sa pagka-presidente noong Miyerkules sa Bahay ng Alumni sa UP-Diliman Campus, binanggit agad niya ang tungkol sa Freedom of Information (FOI) Bill. Kailangan daw maipasa ang panukalang batas. Ito raw ang magiging kalasag nang mamamayan para hindi manaig ang mga corrupt sa pamahalaan. Mabisang pananggalang ang FOI sapagkat magkakaroon ng karapatan ang mamamayan na malaman ang mga pinapasok na transaksiyon ng gobyerno.
Sa tatlong presidentiables, tanging si Poe pa lamang ang matapang na naghayag ng saloobin sa FOI Bill. At tama naman siya na dapat nang maipasa ang panukala sapagkat mahalaga ito para sa taumbayan. Ito nga ang magiging shield sa katiwalian.
Wala ng sinasabi ukol sa FOI sina Binay at Roxas gayung mas nauna na silang naghayag ng kandidatura. Wala bang pangarap ang dalawa na mabigyan ng kalayaan ang mamamayan na masuri o mahalungkat ang mga pinasok na transaksiyon ng mga taga-gobyerno o mismong ang mga namumuno sa bansa. Wala ba silang paki kahit na kaliwa’t kanang kawatin ang pondo ng bayan?
Nangangako na si Poe ukol sa FOI at hindi naman ito masama. Mabuti nga siya at kahit paano, mayroon na siyang naiisip para mapangalagaan ang pondo. Kahit paano nakikita na niyang dapat mabantayan ang mga “buwaya” sa paglamon sa perang pag-aari ng taumbayan.
Hindi naman sana mapako ang pangako, kung sakali at makaupo sa mataas na puwesto. Nabigo na sa nakaraan, huwag sana haharaping sa bagong umaga. Ang FOI Bill ay dapat maprayoridad.