Krisis sa Europe

MAY krisis na nagaganap sa Europe ngayon. Nagdadagsaan ang refugees na umaalis mula sa kani-kanilang mga bansa para maghanap ng bagong buhay sa mga bansa sa Europe. Nagsimula ang pagdating ng refugees sa Europe noong 2007. Karamihan ng refugees ay galing sa Gitnang Silangan at Africa at Silangang Asya, partikular mula Syria, Iraq, Yemen, Bangladesh, Pakistan, Afghanistan, Libya, Sudan­, Nigeria, Somalia at iba pang bansa sa Africa. Ang dahilan? Walang katapusang digmaan, pinsala at paghi­hirap. Ayon sa UN, ito na ang pinakamalaking pagdagsa ng mga refugees magmula noong World War 2.

Karamihan ng refugees ay nagtutungo sa Europe sa pamamagitan ng mga barko, at ang iba naman ay tuma­tawid ng bansa sa mga sasakyan. Ang masama, hindi naman talaga handa ang mga barko na ito para sa peligrosong biyahe. Libu-libo na ang namamatay, pero hindi ito nagiging balakid sa mga naghahanap ng mas mapayapa at ligtas na buhay. Tila napansin na lang ng mundo ang sama ng sitwasyon ng mga refugees nang matagpuan ang bangkay ng isang tatlong taong gulang na batang Syrian sa dalampasigan ng Turkey noong isang buwan. Namatay rin ang kanyang kapatid at 10 pang pasahero ng bangka na tumaob habang patungo sa isang isla sa Greece.

Pero dahil sa dami na ng refugees, tila sumusuko na ang ilang mga bansa sa pagtanggap sa kanila. Ilang bansa ang isinara na ang kanilang borders at tinataboy na ang mga dumarating na refugees. Karamihan ng refugees ay nais manirahan sa Germany, Sweden, Italy at France. Nang lumabas ang litrato ng batang namatay, nagdagsaan ang awa para sa nangyayari sa mga refugees, at umani ng batikos ang mga bansa na tumigil na sa pagtanggap sa kanila.

Nasasapawan na rin ang United Nations High Commission on Refugees (UNHCR) ng paghingi sa kanilang ng tulong. Kaya sa ngayon krisis na ang sitwasyon. Sa Turkey at Greece unang dumarating ang mga refugees, bago sila tumutuloy sa mga bansang nabanggit. Pero sa dalawang bansang ito, nagkakaproblema na dahil sa dami na ng dumarating.

Maraming kababayan natin ang umaalis din ng bansa, pero hindi naman dahil sa digmaan, kundi para makapagtrabaho at mabigyan ang mga kapamilya ng mas maginhawang buhay. Nagpapasalamat lang ako na kahit napakaraming problema pa ng ating bansa, hindi naman nauuwi sa gulo at digmaan. Ito ang dapat nating bantayan.  

Show comments