Bawiin ang mga kalsada

INAMIN ni MMDA Chairman Francis Tolentino na bigo sila sa pagtanggal ng mga manininda sa kalsada sa harap ng Balintawak market, na sanhi ng matinding trapik sa nasabing lugar. Sa unang araw pa lang ng paghawak ng PNP-HPG ng trapik sa Metro Manila, tinanggal nila ang mga manininda sa kalsada, pati na rin mga sasakyan na ginawa nang paradahan ang EDSA sa harap ng palengke. Tinawag ngang milagro ng mga motorista na agad napansin ang luwag ng daloy ng trapik. Ang nagawa ng HPG na hindi nagawa ng MMDA ay patunay na mas may takot ang mga pasaway sa HPG. Ang dapat lang bantayan ay baka magbalikan lang ang mga manininda paglipas ng ilang araw.

Malinaw ang resulta ng nagawa sa Balintawak. Kung kulang na kulang na nga ang Metro Manila sa kalsada para sa dumadaming sasakyan, bakit may mga kalsada na hindi na napapakinabangan ng mga motorista? Sa Taft Ave. sa may Pasay City, may bahagi na hindi na ta­laga nagagamit ng mga motorista dahil dito na nagti­tinda, at nakatira na rin ang mga vendors. Bakit pinayagan ang mga ito manatili nang ganyan? May pahintulot ba sila sa munisipyo ng Pasay para angkinin na ang bahagi ng Taft Ave. na iyan? May upa ba silang binabayaran para manatili sa gitna ng kalsada? Kung meron, kanino nagbabayad? Hindi ba malaki ang tulong sa daloy ng trapik kung magagamit nang lubos ang kahabaan ng Taft Ave.?

Kumilos na nga ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagtanggal ng mga manininda sa Old Samson Road. Kailangan na talaga ang mga kalsadang ito kung magkakaroon pa ng pag-asang lumuwag ang trapik. Kailangan bawiin na ang mga kalsada. Hindi naman dapat hinaharang ang kalsada. May wastong lugar para maninda. Hindi lang ang kapakanan ng iilan ang dapat isipin, kundi ng lahat.

Isama na rin ang mga sasakyan na tila iniwan na lang sa mga kalsada. Marami niyan. Mga sirang sasakyan na ayaw naman ipaayos, at ayaw naman itambak sa tamang lugar. Hindi dapat pinababayaan na lang mabulok sa mga kalsada. Hakutin na ng mga lokal na pamahalaan ang mga ito, para lumuwag ang mga maliliit na kalsada. Sana lahat ng lokal na pamahalaan ay ganito ang gawin. Pero alam din natin na hindi lahat ng lokal na pamahalaan ay nakikisama sa mga programa ng gobyerno. Kung ganun, dapat ang pahintulutan ang HPG na magtanggal ng mga balakid na iyan.

Show comments