KAHAPON ay umulan na naman nang malakas na nagdulot nang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila. May mga na-stranded na namang empleado at mga estudyante. Nahirapan na naman silang sumakay.
Pero mas matindi ang baha na nangyari noong Martes ng gabi na nagdulot ng trapik sa maraming bahagi ng Metro Manila. Inabot ng limang oras sa kalye ang mga motorista dahil walang galawan. Bumaha sa Quezon City, Maynila, Makati at Pasay. Madaling araw na nang makauwi ang mga tao. Sabi ng mga na-stranded, iyon ang pinakamahaba nilang inilagi sa kalye. Umalis sila sa bahay ng Martes at nakauwi ng Miyerkules. Pinerwisyo sila ng baha at trapik at walang opisyal ng gobyerno, particular ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na sumaklolo sa kanila.
Sinisisi sa pagbaha sa QC ang mga basurang bumara sa drainage. Maraming supot na plastic ang nakitang nakasabit sa mga barandilya ng island na isang palatandaan na inanod doon ng baha. Dahil nabarahan ang mga drainage, hindi makaagos ang tubig kaya lumubog ang mga kalsada. May mga sasakyang nalubog sa baha. Iglap lang ay naging dagat na ang mga kalsada sa QC particular sa Mother Ignacia Avenue at P. Tuazon sa EDSA.
Ang matindi ay nang bahain ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Hanggang baywang umano ang baha sa mismong paliparan at sa mga kalsadang nakapaligid dito. Unang pagkakataon umano na binaha ang paliparan nang ganoon kalalim.
Nadiskubre ang dahilan kung bakit nagkaroon ng biglaang pagbaha sa NAIA. Barado umano ang mga drainage sa lugar kung saan ginagawa ang Skyway. Natakpan ng mga buhangin, graba, semento at lupa ang mga drainage kaya umapaw ang baha sa kalsada. Wala ibang pupuntahan ang tubig kaya napuno ang mga mababang lugar sa NAIA.
Kapabayaan ng kontraktor ng Skyway ang dahilan kaya bumaha sa airport. Sila ang dapat imbestigahan sa nangyaring pagbaha. Ang kawalan ng disiplina ng mga residente sa QC sa pagtatapon ng basura ang dahilan kaya may pagbaha sa lungsod.
Kailan matututo at magkakaroon ng disiplina para hindi magbaha?