KAHAPON, binaybay ni PNP Chief Ricardo Marquez ang kahabaan ng EDSA para magmonitor sa pagmamando ng Highway Patrol Group (HPG) sa daloy ng trapiko. Siya mismo ay naipit sa trapiko. Ibig sabihin, mayroon pang dapat plantsahin sa bagong traffic scheme.
Kung gagraduhan ko ang hakbang na ito na ideya mismo ni Presidente Noynoy, bibigyan ko ito ng 60 porsyento. Pasado pa rin dahil lumuwag naman ng bahagya ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Umigi ang daloy ng trapiko mula Monumento, Balintawak hanggang sa paanan ng flyover Quezon Blvd. Kasunod nito, heavy traffic na naman! Talaga kasing napakarami na ng mga sasakyan. Kaya halos “suntok sa buwan” na pabilisin ang daloy ng trapiko hindi lang sa EDSA kundi sa buong kamaynilaan. Kailangan talagang magtayo ng imprastruktura tulad ng mga bagong lansangan, tulay at episyenteng mass transport. Imbes na gumamit ng pribadong behikulo ang mga tao ay sasakay na lang sa mga public transport tulad ng MRT o LRT.
Epektibo rin ang pagkakatanggal sa mga vendors at iba pang obstruction sa Balintawak na halos umuukupa na sa kulang-kulang sa kalahati ng Southbound lane ng lansangan. Sana huwag ningas-kugon ito.
Saka iba ang dating ng mga unipormado at sandatahang traffic law enforcers. Hindi katulad ng mga MMDA agents na hindi iginagalang ng mga motorista at kadalasan ay nakakatikim pa ng pagmumura, dirty finger at pananakit.
Sabi nga ng PNP Chief sa mga HPG agents, ipatupad ang disiplina nang walang kinatatakutan at walang pinapaboran. Ibig sabihin, huwag kayong mangongotong at kung hindi’y….
Tama ang yumaong diktador na si Marcos. Disiplina ang kailangan para umunlad ang bayan. Pero ang nakita nating disiplina sa pagmamando ng HPG ay dala ng takot at hindi ng respeto. Palibhasa, pangit ang impresyon sa mga unipormadong tauhan ng PNP. Naging singkahulugan ng “kotong.”
Puwede pa namang magbagoang impresyong ito, at iyan ang inaasahan ng lahat sa HPG. Kung ipakikita nila na wala silang sasantuhin sa implementasyon ng batas, unti-unti man ay maibabalik ang respeto ng taumbayan dito. Yes, ang kailangan ay disiplinang bunsod ng respeto at hindi ng takot.