ISANG leksiyon ang natutunan ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Bert Lina makaraan ang mainit na isyu sa balikbayan boxes na kanyang pinuntiryang buksan para inspeksiyunin. Na-realized ni Lina na hindi nga pala niya dapat panghimasukan ang mga padala ng OFWs. Manghihimasok lamang siya kung may nakita sa x-ray na kahina-hinalang bagay sa loob ng kahon.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang Senado ukol sa balikbayan boxes at inimbitahan si Lina. Tinanong ni Sen. Sonny Angara si Lina kung totoo nga bang may nagsisingit ng kontrabando (baril at droga) sa mga ipinadadalang kahon ng OFWs.
Sa halip sagutin, nag-sorry si Lina at sinabing hindi niya gustong sirain ang pangalan at tapakan ang OFWs. Siya man daw ay mayroon ding kapatid na OFW sa Oman. Humihingi siya ng patawad at sinabing ibinibigay niya ang 200 percent support sa OFWs.
Nag-sorry si Lina makaraang ipag-utos ni President Noynoy Aquino na huwag nang buksan ang mga balikbayan boxes. Bubuksan lamang ang mga ito kapag may nakitang kahina-hinalang bagay. Ganunman, nakipagmatigasan muna si Lina at sinabing nasa batas daw ang pag-inspeksiyon sa mga kahon ng OFWs. At para rin daw makita kung may droga sa loob ng kahon. Ginagamit daw kasi ang balikbayan boxes para makapag-transport ng droga.
Ngayong nag-sorry na si Lina, inaasahang ang tututukan niya ay ang talamak na smuggling na lumulumpo sa kaban ng bayan. Dahil sa smuggling, hindi maabot ng BoC ang target na revenue. Patuloy ang smuggling ng mga mamahaling sasakyan, bigas, asukal, agricultural products at pati basura ay gusto na ring i-smuggle. Nakakalusot ang mga ito dahil na rin sa mga tiwaling opisyal at empleado sa Customs. Naniniwala kami na kung haharapin ni Lina ang mga tiwaling opisyal at empleado sa kanyang nasasakupan, maaring tumaas ang koleksiyon at maabot ang target na revenue. Kaysa pag-aksayaan ni Lina ang ibang mga bagay gaya ng balikbayan boxes, mag-pokus muna siya sa mga tiwali na nasa bakuran ng Customs. Noon pa nirereklamo ang grabeng katiwalian sa Customs na kahit ang guwardiya at mga janitor ay nakikinabang at namamantikaan ang mga nguso. Saan naman nakakita na ang karaniwang empleado sa Customs ay may paupahang ilang pinto ng apartment.
Maaaring may leksiyon nang nakuha si Lina makaraang pagdiskitahan niya ang balikbayan boxes ng mga “bagong bayani”.