TAPOS na ang maliligayang araw ng mga mapanlinlang at manlolokong real estate developer.
Buti naman at hindi na natutulog sa pansitan ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB). Nagising na rin sa wakas kasi marami na ang mga naloko at nabiktima.
Kaya si HLURB Commissioner at Chief-executive-officer (CEO) Atty. Antonio Bernardo, kinukuyog at pinuputakte ngayon ng mga major property player. Sinisisi sa bagong guidelines ng ahensya ang pagbaba ng kanilang benta.
Simula nang ipinatupad daw kasi ni Bernado ang paghihigpit noong Pebrero naramdaman nila ang slow down o paghina ng demand sa kanilang negosyo.
Siguro kung dati na napakadali sa kanila ang makapanloko ng mga overseas Filipino worker (OFW) o ‘di naman kaya kanilang mga kaanak gayundin sa mga balikbayan, ngayon nanuyot na lahat ang kanilang mga lalamunan sa kasasatsat at mala-mongo na ang pawis sa kanilang mga singit, hindi pa rin sila nakakabenta.
Sa bagong regulasyon ng HLURB, bawal na ang mga mapanlinlang na patalastas o anunsyo. Kung tawagin sa terminolohiya ng pagbebenta, false advertisements at misleading statements.
Hindi na pwedeng gamitin bilang selling proposition ng mga real estate ang minuto sa pagsukat ng distansya mula sa kanilang lokasyon patungo sa mga establishemento. Sa halip na sabihing “5 minutes away from…” ang gagamitin na ay kilometro.
Pangalawa, dapat may full disclosure ang developer kung papaano ang pamamaraan ng pagbabayad sa ibinibentang property. Dapat malinaw din ang mga inaanunsyong presyo at interes alinsunod sa pamantayan ng ahensya.
Panghuli, bago pa man simulan ang pagbebenta, dapat mayroong license to sell ang kumpanya. Sapol dito ang mga nagpi-pre-selling. Walang pang istruktura, puro pangako palang ang ibinibenta pero ang kanilang target buyer hinihingan na agad ng reservation fee, initial deposit at down payment.
Hindi sang-ayon sa bagong guidelines na ito ang real estate industry. Bagkus, ipinaglalaban nila ngayon ng patayan sa HLURB na luwagan ang mga pamatayan.
Wala akong respeto sa mga manlolokong property developer kesahodang matagal na sila sa industriya. Katunayan, nagsampol na ang BITAG sa PRO-FRIENDS at JAO BUILDERS kung saan marami ang mga nagrereklamo. Uploaded sa aming website ang kanilang mga bulok na estilo ng panloloko.
Patuloy na binabantayan ng BITAG ang isyung ito. Sa mga nabiktima ng mga putok sa buhong real estate developer, bukas ang aming tanggapan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.