AYON sa Family Code, itinuturing na “conjugal” o kaya ay “absolute community property”, ang pag-aari ng mag-asawa na nakukuha sa panahon na kasal sila. Ang importante lang ay mapatunayan na nakuha ang mga ari-arian na ito habang kasal sila. Kahit nakarehistro lang sa isa sa kanila ang ari-arian ay dalawa silang nagmamay-ari nito (Art. 116 Family Code). Ito’y pinapaliwanag sa kaso ni Rey at Nora.
May 18 taon na magmula ng ikasal sina Rey at Nora. Noong ikasal sila, walang anumang ari-arian ang bawat isa. Si Rey ay nagtatrabaho sa banko at sapat lamang ang kinikita niya para mabuhay ang kanyang pamilya. Si Nora naman ay galing sa isang mayamang pamilya.
Dalawang taon matapos silang ikasal, isang mala-king lupa sa Maynila ang binili at pinangalan kay Nora na kasal kay Rey. Ang nasabing ari-arian, kahit nakadeklara sa pangalan ni Nora ay binili ng nanay nito at inilagay lang sa kanyang pangalan. Nakagawian ng nanay ni Nora na bumili ng mga lupa at ipangalan sa kanyang mga anak. Sa katunayan, sa kasulatan ng bentahan ay isinulat pa ni Rey sa ibabaw ng kanyang pirma na wala siyang interes sa nasabing lupa at pumirma lang siya bilang suporta sa kanyang asawa.
Sa panahon na kasal sila, sari-saring utang at obligasyones ang nakuha ni Rey mula sa isang mag-asawang kaibigan. Kinasuhan si Rey hanggang sa magkaroon ng desisyon laban sa kanya. Hinabol nila bilang pambayad utang ang lupang binili ng nanay ni Nora. Ayon sa mga inutangan ni Rey ay “conjugal” ang lupa at dahil pag-aari ito ng mag-asawa ay puwede nilang habulin bilang kabayaran sa asunto alinsunod sa desisyon ng korte. Tama ba ito?
MALI. Hindi maitatanggi na lahat ng ari-arian na na- kukuha sa panahon na kasal ang dalawang tao ay ipinapalagay na pag-aari ng mag-asawa o “conjugal”. Pero ang argumentong ito ay mapapasubalian ng kontra-ebidensiya na nagpapaliwanag na pagmamay-ari ito ng isa lang sa kanilang dalawa.
Sa kasong ito, napatunayan na ang mga ari-arian na binili ng ina ay para lang kay Nora at ang ipinambayad ay nanggaling sa nanay niya. Ipinangalan lang sa kanya ang lupa at malinaw din na noong bilhin ang lupa ay walang kakayahan si Rey na bumili nito base sa liit ng kanyang kinikita sa banko na kung tutuusin ay sapat lang sa kanyang pamilya (Laperal Jr. vs. Katigbak, 10 SCRA 493).