“MAGTIYAGA at makiisa.” Hiling ‘yan ni P-Noy sa mga taga-Greater Manila na naiipit araw-araw sa mahahabang trapik. Ano pa nga ba ang magagawa naming maliliit, Mr. President, kundi magtiis nang 10 pang buwan, mula ngayon hanggang maupos ang termino mo sa Hunyo 2016?
Administrasyon mo ang may kasalanan sa trapik, P-Noy. Huwag mo tangkain ibintang ito sa nakaraang bulok na termino ni Gloria Arroyo. Limang taon ka na sa puwesto. Sa loob ng mahabang panahong ‘yon, nakapagplano sana ang Gabinete mo ng mga programang pabahay at sasakyan sa labas ng Kamaynilaan. Nakagawa sana kayo ng bagong kalye, tulay, at riles, para hindi nagsisiksikan lahat sa gitna ng siyudad.
Pero hindi ‘yon ang inasikaso ninyo, P-Noy. Wala kayong public works nu’ng unang 18 buwan. Dinahilan ninyo: umano’y maanomalya ang mga minana niyong proyektos mula kay GMA, kaya nirepaso muna lahat ito. Okey sana ‘yon. Pero sa huli, wala naman kayong bagong inisip. Halimbawa, kinopya n’yo lang -- at huli nang ipinatupad -- ang extension ng LRT-1 at -2 nang tig-dalawang bayan lang.
Nagnakaw pa kayo, P-Noy. Ibinalato ng Transport Sec. at acting Liberal Party president mong Joseph Abaya ang P53-milyon buwanang maintenance ng MRT-3 sa mga ka-LP na wala namang alam. Pati vehicle license plates ipina-raket n’yo sa kumpanyang blacklisted at partner nito na kapos sa puhunan, kaya madaling malukot ang bakal na plaka.
Samantala, P-Noy, ang MMDA chairman mo’ng Francis Tolentino ay matagal nang sumuko sa trapik. Panay ikot na lang siya sa iba’t-ibang siyudad, kasama ang dose-dosenang Metro Manila traffic aides, para magturo kunwari ng pagta-trapik.
P-Noy, katiwalian ang ginagawa ni Tolentino. Sa mga biyahe, nagpapasikat siya bilang “senatoriable” -- gastos ang pera ng bayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).