Pagbuhay sa odd-even
SI President Noynoy Aquino mismo ang nagpanukala na buhayin muli ang odd even scheme sa mga sasakyan bilang solusyon sa lumulubhang problema sa trapiko. Dati nang ipinatupad ito ng mga nakaraang administrasyon. Pero ang problema ay dala ng lumolobong bilang ng mga sasakyan at lumalaking populasyon na sadyang di mapipigilan.
Puwedeng solusyon iyan pero pansamantala lang. Dapat sabayan ito ng pagtatayo ng mga bagong imprastruktura gaya ng mga lansangan para umagapay sa lumalaking bilang ng mga sasakyan. Kung hindi magagawa iyan, wala ring silbi ang pansamantalang solusyon.
Posibleng sa umpisa ay 50 porsyento ng mga sasakyan ang mababawas pero hindi magtatagal, dahil sa dami ng mga bumibili ng sasakyan ay babalik tayo sa dating problema. Sa ngayon, tanging ang odd-even at number coding pa lang ang nasubukan na sa ating bansa na hindi talaga nakatutugon sa problema. Panahon na para humanap ng ibang iskema na di pa nasusubukan.
Kabilang diyan ang 4-day work week. Ibig sabihin, apat na araw na lamang papasok sa trabaho ang mga empleyado at manggagawa pero hahabaan ang oras para mabawi yung mga araw na hindi sila papasok.
Maaaring hatiin sa grupo ang mga empleyado. May papasok nang Lunes hanggang Huwebes, mayroon namang Martes hanggang Biyernes at mayroon ding Biyernes hanggang Sabado. Ilibre na ang Linggo na araw ng pagsisimba. Tiyak, malaking volume ng mga sasakyan ang mababawas.
Pero bukod diyan, kailangang sabayan iyan ng iba pang hakbang tulad ng estriktong pagbabawal sa mga colorum vehicles sa mga lansangan at mahigpit na pagpapatupad ng batas sa trapiko. Wala nang jeepney na magsasakay at magbababa sa gitna ng daan. Wala nang mga bus na tetengga nang napakatagal sa pagaabang ng mga pasahero na gumagambala sa ibang nagmamadaling motorista. Higit sa lahat, wala nang mga kotong cops na mangungunsinti sa mga lumalabag sa batas trapiko kapalit ng pera.
Odd even? Oh, I find it very ODD EVEN if it is said to be a cure to our perennial traffic congestion. Taumbayan ang mapaparusahan. Paano yung mga iisa lang ang kotse? Saan sila sasakay sa mga araw na hindi sila puwedeng lumabas? Okay sana kung episyente ang ating mass transport system pero hindi. Esep-esep pa ng ibang remedyo!
- Latest