KAPAG may krimen, ang kooperasyon ng mga residente ang pinagtuunan ng pansin ng pulisya. Dahil sila ang nakaaalam sa kapaligiran subalit hindi lahat ay may kooperasyon o pagtanaw sa kapulisan. Iyan ang kaibahan ni C/Insp. John Guiagui sa mga nakilala kong opisyal sa Manila Police District. Noong Agosto 12, binaril ng walang kalaban-laban si Danilo Jandusay sa Parola Compound, Tondo ng mga hindi nakilalang suspek. Natural na blanko rito ang mga imbestigador ng MPD-Homicide Division dahil alam n’yo naman na ang Parola ay pinagkukutaan ng mga kriminal at karamihan sa mga nakatira rito ay pawang tikom ang bibig sa takot buweltahan sila ng mga salarin.
Subalit ang pagtatago ng mga kriminal ay may hangganan dahil ang mabuting pakikipag-ugnayan ni Guiagui sa mga residente ang naggiya upang malambat ang mga sanggano. Kaya nang bumalik ang mga trigger happy sa lugar, inginuso ito kay Guiagui ng isang nagmamalasakit na residente. Walang oras na sinayang si Guiagui matapos mabiripika ang impormasyon. Sinalakay nila ang bahay ng gunman. Naaresto si Ryan Jake Balisi at nakakumpiska ng isang cal. 45 at dalawang cal. 38. Tanggi to the death si Balisi sa krimen na inaakusa sa kanya kaya nag-follow-up pa si Guiagui matapos ang interrogation.
Ang bahay naman ni Bryan Badolaza sa Gate 10 ang tinungo. Inimbitahan siya ni Guiagui sa Delpan PCP. Nang sumungaw ang mukha ni Badolaza, nagulat ang mga pulis nang magpalahaw ng iyak si Maria Regina Audine live-in-partner ni Danilo Jandusay. Kinilala ni Maria Regina si Badolaza na pumatay sa kanyang live-in-partner na si Danilo noong Agosto 12. Ang pakikipag-ugnayan sa mga residente na ipinamalas ni Guiagui ay susi sa paglutas sa krimen.
* * *
May piyestahan sa Soledad, napapagitnaan ng Vicente Cruz at Cristobal, Sampaloc, Manila. Punumpuno ng mga parukyano ang pa-bingo ng barangay kuno, subalit sa likuran bahagi nito’y nag-uumapaw naman ang mananaya sa dalawang lamesa ng color games na pinamamahalaan ng isang alias “Roy”. Ang bulong sa akin ng mga residente, bakit hindi ito sinasalakay ng mga tauhan ni MPD Director CSupt. Rolando Nana at Sampaloc Police Station 4 Chief Supt. Mannam Muarip gayung bawal ang pergalan.
* * *
Kaya pala dumalaw si Alias Maressa sa MPD Headquarters kamakailan ay dahil nagtimbre sa mga tiwaling opisyales ni Nana at hao shiao na mga media. Abangan!