KUNG kayo po ay sobra sa timbang, may diabetes, may altapresyon o gusto maging healthy, sundin ang payo ko: Umiwas sa Iced Tea, soft drinks at kung anu-ano pang matatamis na inumin. Malaki ang mababawas sa inyong timbang.
Alam ba ninyo na ang isang basong soft drinks ay may 7 kutsaritang asukal. Kapag uminom kayo ng soft drinks, para ka na rin kumain ng 7 kutsaritang asukal! Ganoon din ang iced tea. Puro asukal din iyan kaya grabe ang tamis!
Ayon sa siyentipikong pagsusuri, ang pag-inom ng soft drinks ay puwedeng maging sanhi ng diabetes. Mabilis din itong makataba at magpalaki ng tiyan.
Kahit “No-sugar” o “Lite” pa ang inyong inumin ay may peligro pa rin. Dahil ang diet soft drinks ay may halong phosphorous na nagtatanggal ng calcium sa ating katawan. Puwede kang magka-osteoporosis. Ang payo ko ay magtubig na lang.
Nakatataba ang pineapple Juice at iba pa
Kung kayo’y may katabaan, ang payo ko ay umiwas din sa mga fruit juices. Orange juice, pineapple juice at kung anu-ano pang juices. Mataas ito sa calories at asukal kahit sabihin na “unsweetened” pa. Kapag uminom kayo nang maraming juices, baka kayo ma-ging “Fat and not fit.”
Hindi ko alam saan nanggaling ang paniniwala na maganda sa altapresyon ang pag-inom ng pineapple juice. Hindi po ito tunay. Gamot, diyeta at exercise lang ang magpapababa ng blood pressure.
Anong prutas ang puwede sa mga nagpapapayat? Mansanas, peras at konting saging lang ang puwede. Bawal na bawal ang mangga at ubas dahil sobra itong tamis. Kung gusto ng mangga, isang pisngi lang ang puwedeng kainin. Sa ubas ay 10 piraso lang ang pinakamarami.
Umiwas sa coffee at energy drinks
Walang mabuting makukuha sa mga coffee drinks. Lalo na kung may halo pang whipped cream, chocolate, at full cream milk. Alam n’yo ba na ang katumbas ng isang cappuccino with whipped cream ay tatlong platong kanin na!
Masama rin sa kalusugan ang mga energy drinks dahil mataas ito sa caffeine. Nakaka-addict ang caffeine at nakabibilis pa ng tibok ng puso. Kung ika’y may altapresyon, bawal ang energy drinks. Puwedeng tumaas ang blood pressure mo.
Kaya kaibigan, tubig lang ang dapat inumin. Iwaksi mo na ang soft drinks at iced tea sa buhay mo. Papayat ka at makaiiwas ka pa sa maraming sakit!