NANG magtalumpati si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez noong Hulyo 16 makaraang italaga sa puwesto, sinabi niya ang pagpapatrulya ng mga pulis sa komunidad ay lubhang mahalaga. Ang presensiya aniya ng pulis sa komunidad ay malaking tulomg sa pagbaba ng krimen. Magdadalawang-isip aniya ang sinuman na gumawa ng krimen kapag palaging nakikita ang mga pulis.
Sabi pa ni Marquez, gusto niyang masiguro ang kaligtasan ng anak, kapatid, o kasambahay sa paglabas ng bahay at makakabalik nang ligtas.
“Naroroon pa rin ang takot at agam-agam ng mga magulang tuwing umaalis ng bahay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang nais nating baguhin,” sabi ni Marquez.
Marami ang natuwa sa sinabi ng PNP chief. Sa dami na ng mga naglingkod na hepe ng PNP siya lamang ang nagsabi na ang presensiya ng pulis sa kalsada ang mahalaga para mapigilan ang krimen. Kung may nagpapatrulyang pulis, walang makagagawa nang masama at mga pagtatangka sa mamamayan. Matagal nang pinapangarap ng mamamayan na makakita sila ng pulis sa kalye at naglilingkod. Sa kasalukuyan, ang mga pulis na makikita sa kalye ay hindi ang pagprotekta at pagtulong sa mamamayan ang ginagawa kundi “pangongotong at panghuhulidap”.
Labinlimang araw na mula nang ipangako ni Marquez na ilalabas ang mga pulis sa kanilang presinto at ide-deploy sa kalsada pero hanggang ngayon, wala pa ring makitang mga pulis sa mga lugar na laganap ang krimen. Wala pa ring unipormado na nagbabantay at nagmamanman.
Sa Quiapo, pagkagat ng dilim, naglulutangan ang mga snatcher at “namimitas” ng hikaw sa mga babaing naglalakad at saka balewalang maglalakad at tatawid sa island sa Quezon Blvd. Sa Recto Avenue at sa Binondo, karaniwan na lamang ang pandurukot at paghablot sa cell phone o bag ng mga naglalakad. Walang pulis na makita.
May mga nangyayaring holdapan sa dyipni at taxi kung madaling araw at walang pulis na makitang nagroronda sa kalsada. May mga hinoholdap na empleado sa pagbaba ng footbridge at pagkatapos ay balewalang maglalakad lang palayo ang mga holdaper. Walang pulis o barangay tanod na makita.
Kailan makikita ang mga pulis sa kalsada?