KAHAPON ay nagdiwang ng ika-80 kaarawan ang aking amang si Manong Ernie Maceda. Happy birthday po! Nawa’y mabiyayaan pa tayo nang matagal pang panahon ng pagsasama.
Kahapon din inilabas ng Supreme Court ang resulta ng 2014 Bar Examinations. Sa bersiyong ito na pinamahalaan ni Justice Diosdado Peralta, mababa ang national passing rate na nasa 18.82 kumpara sa 22.18 na ipinasa ng Korte sa 2013.
Makikita sa national passing averages ng bar exams na ito na talaga ang pinakamahirap na licensure exam sa bansa. Sa isa pang professional licensure test – ang board exam ng mga doctor, ang national average ay pumapalo sa hanggang 70%.
Ang katotohanang ito ay isa sa dahilang nag-uudyok sa kinauukulan na pag-aralan ang reporma sa ating legal education at sa proseso ng bar admission. Masyado kasing mahirap ang exam kung tutuusin. Sa ibang mga bansa, basic lang na kaalaman ang hinihingi para malisensiyahan kang maging abogado. Hindi tulad dito na halos lahat ng pinag-aralan mo sa apat na taon sa law school ay maaring pagkunan ng tanong. Tinawag pa nga ito ni Dean Danny Concepcion ng UP College of Law na pinakamahirap na bar exam sa mundo.
Ito ring anyo ng bar exam ang sinisisi sa kung bakit hindi na makapag-alok ang mga law school ng subject o espesyalisasyon na hindi nakadisenyo sa pagpasa ng bar exam. Ang inaabangang ASEAN integration at iba pang mga sariwa at bagong practice areas ay hindi maituro dahil praning ang lahat ng iskwela na dapat puro bar subject lang ang inaatupag. Sa 152 total units ng bachelor of law, halos 140 ang nakalaan para lang sa bar subjects. Paano pa magtuturo ng ibang bagong subject?
Ito rin ang rason kung bakit hindi masingit sa kurikulum ang mga subject na magtuturo ng kung papaano humarap sa korte o sa kliyente o ang iba pang praktikal na kaalaman na maaring pakinabangan ng abogado pag itoy magpraktis na. Ang resulta ay mga graduate at bagong pasa na maaring may kaalaman, subalit wala namang ideya kung papaano ito pakikinabangan.