^

PSN Opinyon

Kailangan mabilis ang takbo ng kaso

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

MAY bagong development sa kaso ni Joseph Scott Pemberton, ang US Marine na akusado sa pagpatay kay Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre. Sa totoo lang ay medyo natabunan ng operasyon sa Mamasapano ang balitang ito. Pero dahil nagsimula na ang pormal na kaso, nasa balita muli. Pero bago nagsimula ang kaso, may alok umano na P21-milyon sa pamilya ni Laude, para ibaba sa homicide ang kaso laban kay Pemberton imbis na murder. Mas mahaba ang pagkulong kapag murder ang krimen. Pero iginiit ng pamilya ni Laude na kahit isang milyong dolyar pa ang ialok, hindi sila aatras sa kaso dahil walang halagang pera ang maaaring kapalit sa buhay ni Jennifer.

Hindi rin alam kung saan galing ang alok na P21-milyon. Hindi raw ito hiningi ng kampo ni Laude ayon sa kanilang abogado, at ang alam ay hindi rin daw nangga-ling sa kampo ni Pemberton. Kaya sino ang nag-alok, kung meron man? May hiling ang kampo ni Laude sa DOJ na palitan ang prosekyutor na si Emilie delos Santos, dahil hindi raw inaalagaan ang interes nila sa kaso. May balita pa nga na kay Delos Santos nanggaling ang alok na pera. Agad naman itong itinanggi ni Delos Santos.

Matatandaan na sa kaso ni Daniel Smith na akusado sa panggahasa kay “Nicole”, tila nauwi sa areglo nang biglang binawi ni “Nicole” ang kanyang akusasyon na siya ay ginahasa. Umalis si “Nicole” ng bansa, at pinalaya si Smith nang hindi man lang nakatikim ng kulong sa bilangguan natin, dahil sa embahada ng Amerika siya inilagay. Kung may nangyaring kasunduan ay hindi matiyak, pero hindi malayong isipin. Nagturuan ang lahat kung sino ang nag-asikaso ng areglo, at may akusasyon pa nga na pinilit lamang si “Nicole” na magsampa ng kaso para mapasama ang mga Amerikano, pati na rin ang kasunduan ng Pilipinas at Amerika hinggil sa pagtungo ng kanilang militar sa bansa. Ganito rin ba ang magiging katapusan ng kasong ito? Doon na rin ba ang direksyon ng kaso?

Maganda naman at tinanggihan ang alok ng pera, kung kanino man nanggaling iyon. Pero ayon sa abogado nila Laude, maaaring lumutang muli ang alok habang tumatakbo ang kaso. Kung magbabago ang isip ng pamilya ni Laude ay hindi pa masasabi. Habang tumatagal ang kaso, mas nagiging pabor ito kay Pemberton. Baka dumating ang panahon na pagod na rin ang kampo ni Laude at pumayag na lang. Ito ang mga bagay na kailangan nilang alamin, at pagplanuhan. Hustisya ang nais nila, walang argumento diyan. Kaya dapat mabilis ang takbo ng kaso. Ang mahirap lang ay sa bansang ito, hindi madalas mangyari iyan. Halimbawa na lang ang Maguindanao Massacre na higit anim na taon na at tila wala pang nangyayari.

AMERIKA

DANIEL SMITH

DELOS SANTOS

JENNIFER

KASO

LAUDE

PEMBERTON

PERO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with