P-Noy ano’ng gagawin sa siraing choppers?
KATRAYDORAN ang pagbili ng defense department ng siraing combat helicopters. Nawaldas na nga ang P1.3 bilyon. Kinapon pa ang seguridad ng bansa laban sa mga separatistang Moro at komunistang manlulupig.
Ang proyekto ay para sana sa 21 US-made UH-1H “Huey,” subok sa Vietnam War. Tatlong biddings ang pumalya, kaya nagkapalusot ang defense officials na direktang bumili sa piling bidder. Ang dumating -- atrasado, kulang, at depektibo -- ay UH-1D “Dornier,” matagal nang stop-production sa Germany. Wala na itong spare parts, kaya peligroso sa bakbakan. Pinilit lang ang Air Force na tanggapin ang choppers.
Sa ganitong krimen ano ang maaasahang gagawin ni Commander-in-Chief Noynoy Aquino? Wala! Bakit? Ugali niya na palusutin ang katiwalian ng mga tauhan.
Si Defense U-Sec. Fernando Manalo ang nangasiwa sa chopper deal. Bata-bata siya ni Defense Sec. Voltaire Gazmin, na pumirma nito. Matagal nang katoto ni P-Noy si Gazmin, hepe ng presidential security ng inang si Cory Aquino, 1987-1992. Sa posisyong ‘yun comptroller niya si Manalo, kaya matagal na rin ito kakilala ni P-Noy.
Mas mabigat para kay P-Noy ang pagka-kaibigan kaysa katinuan. Ehemplo si Agriculture Sec. Proceso Alcala, tresurero ng kanilang Liberal Party. Sinablay nito ang rice self-sufficiency. Hinayaan pa ang overprice sa pag-angkat ng bigas nu’ng 2013-2014, at ang kartel ng sibuyas, luya, at bawang. Dahil dito, pinasibak ng mga mambabatas ang alipores ni Alcala sa National Food Authority at Bureau of Plant Industry: Sina Orlan Cala-yag, Dennis Guerrero, at Clarito Barron. Sa halip, nilipat lang sila ni Alcala sa Office of the Secretary.
Gan’un din sa Dept. of Transportation. Bistado na sina Sec. Joseph Abaya at U-Sec. Jose Lotilla sa pagkontrata sa mga palpak na ka-LP bilang MRT-3 maintenance. Pinahamak naman ni Budget Sec. Florencio Abad si P-Noy sa presidential pork barrel. Nariyan pa rin sila.
- Latest