NALALAGAY na ba sa alanganin, o sa peligro pa nga, ang mga Philippine Marines na naka-duty sa BRP Sierra Madre? Sa mga nakunang litrato kailan lang, kitang-kita ang puspusang pagtatayo ng mga gusali at istraktura ng China sa pitong bahura na sa ngayon ay pinagtatalunan pa. Ang mga bahura mismo ay lumaki na dahil sa reclamation, at may mga gusali na sinlaki ng Mall of Asia. Halos lahat ay may paliparan na puwedeng lumapag ang eroplano. Ang hinala ay lahat ito ay gamit militar.
Ang basa ng DFA dito ay dahil alam ng China na mata-talo sila sa kasong arbitration sa UN, minamadali na ang pagtatayo ng mga gusali. Paano nga naman matatanggal ang mga gusali kahit may desisyon na? At malinaw na hindi naman susunod ang China sa anumang batas at sila ang hari ng karagatan. Isang kilos na uso ngayon kahit sa Pilipinas. Lumalabag pa nga ang China sa nilagdaang kasunduan na walang magtatayo ng anumang gusali sa mga bahura na pinagtatalunan pa.
Limampung kilometro lamang ang layo ng mga bahurang nabanggit sa BRP Sierra Madre, kung saan may nakadestinong Marines na nagbabantay sa Ayungin Shoal. Kapag natapos na ang mga gusali at ano pang ginagawa sa mga bahurang iyan, malalagyan na ng mga sundalo at kagamitan. Kaya nagiging peligroso na ang lagay ng ating mga sundalo. Hindi malayong isipin kikilos na ang China para matanggal ang sumadsad na barko at mawalan na ng babantayan ang Marines.
Sa kabila ng pag-angat natin ng reklamo sa UN, at mga batikos mula sa ilang bansa tungkol sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea, tila walang pakialam ang China. Parang alam nila na hanggang salita lang naman lahat, hindi tulad nila na kumikilos para angkinin ang sa tingin nila ay kanila. Kaya ano ang magagawa natin?
Minamabuti pa rin ng gobyerno na hindi kumilos nang marahas at idaan sa proseso, para hindi na rin mawala ang suporta sa atin ng ilang malalaking bansa. Pero kapag natapos na ang mga gusali at istraktura na iyan, baka iba na ang maging sitwasyon. Dapat nabantayan talaga ang mga bahurang inaangkin ng bansa. Pero dahil na rin sa kakulangan ng kagamitan, napabayaan na.