Panawagan

KADALASAN kung sino pa ang may kapansanan na na­nga­ngailangan ng tulong, iyon pa ang tinatarget ng mga walang puso nating kababayan. Noong Marso 4 ng gabi, sumungaw si Mang Enrique Alberto Quijada sa aming opisina sa Manila Police District Press Office, MPD Headquarters, UN Avenue, na naka-cycling short at naka-t-shirt lamang. Halata ang kanyang pamumutla dahil sa pagod at gutom. Kaya agad ko siyang kinausap at nalaman na na-stroke pala siya noong 2012 matapos bumaba ng barko. Dati siyang seaman at dala ng kapansanan, hindi na nakasakay kaya naubos ang inipon at naipundar. Ang masakit mula nang magkasakit itinakwil na siya ng kanyang mga kapatid.  Kaya naging palaboy at namamalimos. Lumapit siya sa DSWD pinagkalooban ng P1,000.

Sa pagtatambay sa Plaza Perguson sa tapat ng US Embassy, nakilala ni Mang Enrique si Faisad. Naidaing niya ang karamdaman at hinikayat siyang sumama upang mahilot ang kanyang katawan. Dinala umano siya ni Faisad sa Evangelista Lodge sa Quiapo dakong 9:00 ng umaga. Bago sila pumasok sa naturang lodging house bumili muna sila  ng langis ng ahas sa gilid ng Quiapo Church. Sa makipot na kuwarto ng lodge nagsimula ang seremonya ng “kumag” na manghihilot at makalipas ang 30 minuto, inaya siya ni Faisad sa beranda para magbilad sa araw sabay paalam ng kumag na kukuha ng bimpo upang may pamunas sa pawis. Ngunit sumalisi ito at tinangay ang mga bag ni Mang Enrique na may damit, passport, US Visa, PhilHealth, SSS ID at celfone.

Nang mainip si Mang Enrique, tinanong niya ang room boy, ngunit wala na ang kumag. Lumapit siya sa Plaza Miranda PCP upang humingi ng tulong at mahabol ang kawatan ngunit ang ginawa ng mga pulis ni S/Insp. Rommel Anacite ay isinulat lamang sa papel ang reklamo sabay abot ng P20.00 at tinaboy na siya palabas ng station. Kaya ang pobre ay naglakad sa kalye na gayon ang ayos hanggang sa makarating sa MPD-Press Office. Calling MPD director C/Supt. Rolando Nana, pakihambalos mo ang mga pulis sa Plaza Miranda PCP nang matutong tumulong sa mga nangangailangan. Mukhang gustong ipamalas ng mga taga-Plaza Miranda PCP na handa lang nilang tulungan ang mga may datung ngunit yung wala ay itsa puwera sa kanila. Sa mga kamag-anakan ni Mang Enrique Alberto Quijada siya ay kinakalinga ng isang barangay kagawad ng Sta Monica, Ermita, Manila o dili kaya’y sa MPD-Press Office.

Show comments