Gawin na

KUNG ang DOTC ang masusunod, babawasan ang mga pampublikong jeep at papalitan ng mga bus. Matagal ko nang sinasabi na ang isang bus ay katumbas ng tatlo o apat na jeep sa bilang ng pasahero. Mas malaki rin ang sakop na kalsada ng tatlo o apat na jeep kumpara sa isang bus. Ang karagdagang benepisyo pa ay imbis na may tatlo o apat na sasakyan na minamaneho ng tatlo o apat na drayber na hindi naman sumusunod sa batas-trapiko, isa na lang. Bukod sa mababawasan ng sasakyan sa kalsada, mababawasan pa ang mga drayber na walang karapatang magmaneho.

Ang plano ng DOTC ay palitan ng bus ang mga jeep at ilipat sa ibang ruta, at hindi na sa mga pangunahing kalsada. Mas epektibo ang mga bus sa mga rutang mataas ang bilang ng mga sumasakay. Nagkukumpulan at nag-aagawan ang mga jeep sa mga sakayan ng tao, kaya nagbabara ang kalsada. Sabihin na wala nang disiplina kapag nagsasakay na ng pasahero. Pero kung ililipat lang ang mga jeep sa ibang ruta, paano makakatulong sa trapik? Hindi ba dapat bawasan na?

Noong itinayo ang LRT sa Taft Ave., ang sabi ay mababawasan na ang mga jeep sa nasabing kalsada. Pero tila dumami pa. Kasalanan ito ng mga nagbigay pa rin ng mga prankisa sa mga jeep. Alam ng lahat kung gaano kahirap bumaybay ng Taft Ave., lalo na sa kasagsagan ng rush hour. Paano magiging maganda ang daloy ng trapik kung puro mga sasakyan na humihinto kahit saan? Ito ang dapat pag-aralan ng MMDA at mga lokal na pamahalaan. Kailangang magtalaga ng mga puwedeng hintuan ng mga pampublikong sasakyan, at istriktong patuparin. Ganito ang sistema ng mga maunlad na bansa. May mga nakatakdang hintuan ng mga bus. Ang mga jeep kung saan-saan humihinto, kaya naaantala ang trapik.

Kailangang matuto rin ang sumasakay na hindi sila puwedeng sumakay at bumaba kung saan gusto. Dapat may takdang sakayan at babaan lamang. Kaya humihinto ang mga pampublikong sasakyan ay dahil na rin sa mga sumasakay na pinahihinto sila kung saan nila gusto. Wala na ngang silbi ang “No loading, unloading” signs, kahit may mga MMDA o pulis pa. Patung-patong na mga mali, kaya napakasama na ng sitwasyon sa kalsada. Kung seryoso ang DOTC na patuparin ang panukala, gawin na.

Show comments