HINDI na ikinaila na naging battleground ang Mindanao kung security ang pag-usapan. Ang gulo ay nandito sa Mindanao.
Ito ang katotohanang hindi kayang itago o paliguan nang mamahaling perfume upang bumango.
Matagal nang panahon na nandito sa Mindanao ang giyera, ang putukan, ang mga bombang sumasabog, at maging anong problema kaugnay sa security.
Sana maintindihan ng lahat na hindi kagaya ng Luzon at Visayas, na kung may problema man sa security o peace and order, ito ay kadalasan mga kriminal o organized crime groups ang naghahasik ng lagim.
Ibahin n’yo ang Mindanao.
Nandito sa Mindanao ang lahat ng threat groups na pilit hinaharap ng ating mga otoridad.
Nandito sa Mindanao ay mga threat groups kagaya ng Moro islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Abu Sayyaf terrorist group, New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), mga bandido at maging mga kriminal na gumagalaw dito sa katimugang bahagi ng bansa.
Ang MILF at ang armed group nitong BIAF, at ang BIFF ay nag-ooperate sa Central, Southern at maging sa Northern part ng Mindanao.
Ang Abu Sayyaf ay naging walang kasing bangis sa pangingidnap ng kung sino man sa baluarte nila sa karagatan ng Western Mindanao.
At ang NPA ay malakas pa rin dito sa Southern Mindanao kahit na ilang ulit na pinagmamayabang ng Armed Forces of the Philippines na sila ay ‘extinct’ na raw sa bahaging ito ng bansa.
Andiyan pa ang mga kriminal, kasali na mga illegal drug dealers at mga bandido na walang ginawa kundi mananakit ng tao at magnanakaw ng ari-arian ng iba.
Ang lahat ng threat groups na ito ay nandito sa Mindanao at wala nga sa ibang bahagi ng bansa gaya ng Visayas at Luzon.
Ngunit sa kabila ng lahat ng gulo, kami ay nananatiling proud Mindanaoan at mahal namin ang Mindanao.
Napakaganda at napakayaman sa resources ng Mindanao, sana nga lang maging totohanan din ang pamahalaan sa pagtukoy sa problema gaya ng Mindanao.