NALUGMOK ang Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) makaraan ang engkuwentro sa Mamasapano noong Enero 25. Nalagas ang 44 na police commandos. Mara-ming umiyak lalo na ang asawa, anak, ina, ama at kapatid ng mga napatay. Naging masakit sapagkat brutal ang pagpatay sa 44. Hindi naging parehas ang laban. Mayroong nakabulagta na pero binaril pa sa ulo ng nakaenkuwentrong MILF at BIFF. Hanggang ngayon wala pang hustisya sa 44.
Ang pagkalugmok ng SAF ang nagiging hamon ngayon kay Chief Supt. Moro Virgilio Lazo, bagong hepe ng SAF. Hinirang si Lazo kapalit ni Chief Supt. Noli Taliño na pansamantalang inilagay sa puwesto makaraan ang Mamasapano incident. Si Lazo ay kabilang sa Philippine Military Academy (PMA) Class 84.
Malaki ang responsibilidad ni Lazo bilang bagong hepe ng SAF. Dapat niyang itayo ang SAF at pakinangin muli ang pangalan. Dapat niyang patunayan sa mamamayan na hindi sila nasisindak sa kabila na maraming SAF commandos ang napatay. Ipakita ni Lazo, na kaya nilang ibagsak ang mga kalaban. Kaya nilang hulihin ang nakatakas na si Basit Usman na pinaniniwalaang kinakanlong ng BIFF. Kung ano ang nangyari kay Marwan, ganundin ang sasapitin ni Usman.
Si resigned PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima at sinibak na SAF commander Getulio Napeñas ang itinuturong may kasalanan sa palpak na operasyon ng SAF. Kahit na suspendido si Purisima siya pa rin ang nasusunod. Ipinaglihim nila ang pagsalakay. Hindi sila nakipagkoordinasyon sa AFP kaya hindi agad nasaklolohan.
Malaking leksiyon ang nangyari. Dahil sa lapses, nagbuwis ng buhay ang commandos. Dapat itama ni Lazo ang maling sistema sa SAF. Dapat hindi siya susunod sa utos ng opisyal ng suspendido. Dapat makipagkoordinasyon at hindi dapat naglilihim sa operasyon lalo pa’t delikadong mga tao ang huhulihin.
Hanguin ni Laso ang SAF mula sa pagkakalugmok. Pakinangin muli ang pangalan.