AYON sa PNP Board of Inquiry sa nangyari sa Mamasapano, hindi pa natatanggap ang statement ni PNP Chief Alan Purisima sa kanyang naging kaugnayan sa trahedya.
Halos apat na linggo na ang nakalipas. Sa rami ng nag-iim-bestiga, hanggang ngayon ay wala pa ring linaw sa nangyari. Maliban sa PNP Board of Inquiry sa ilalim ng DILG, may lima pang ahensya na nagpapatupad ng sariling imbestigasyon: Ang DOJ na may special NBI-NPS investigation team; ang Commission on Human Rights; ang AFP; ang Committee ng House of Representatives at ang Committee ng Senado.
Kung babalikan ang iba pang pambansang trahedya sa nakalipas kung saan nagkaroon din ng multiple investigations, hindi laging nagkakatugma ang mga resulta dahil sa kani-kaniya itong interes na pinuproteksyunan. Hindi ito dapat payagan sa Mamasapano investigation dahil ang buong bansa ang naghihintay ng linaw sa mga katanungang hindi pa nasasagot.
Ayon sa mga eksperto, tulad ni Atty. Jose Manuel Diokno na Dean ng De La Salle University School of Law, isang independent panel ang dapat magsagawa ng iisang kabuuhang imbestigasyon at ang dapat magtatag ng panel ay ang Senado. Huwag nang hintayin ang mahabang proseso ng pinagkasunduang resolusyon o batas ng House at Senate. Sa ilalim ng Rules ng Senado ay maaari itong gumamit ng mga consultant upang tumulong sa mga sensitibong imbestigasyon gaya ng ginawa nito sa Coconut Levy at sa Piatco case.
Sang ayon tayo sa ganitong solusyon nang matanggal ang pulitika sa imbestigasyon. Sa gitna ng hinala na pinatigil mismo ng Malakanyang ang pag-iimbestiga ng House of Representatives, mapapanatag ang bansa pag nasa kamay ng mga kinikilalang eksperto ng international law, military, police ang pagsusuri. At kailangang ang Senado ang magtatag. Ang DOJ, PNP, AFP at CHR ay pawang mga ahensya ng ehekutibo. Paano magiging katanggap-tanggap ang resulta nito kapag sabihing walang pagkukulang ang ehekutibo?
Pansamantala’y dapat na kumilos ang kinauukulan upang siguruhin na lahat ng pisikal na ebidensiya sa crime scene ay hindi mawala; ang salaysay ng mga testigo ay naitalang lahat; ang mga electronic evidence tulad ng text messages, video at digital photo ay hindi nabubura.