Karahasan

SA ulat ng medico-legal na nagsigawa ng eksaminasyon sa 44 na SAF commandos na napatay sa Mamasapano, 27 ang may mga tama sa ulo. Matibay na indikasyon na siniguradong patay na ang mga pulis. Siyam ay mga tama sa ulo, habang 18 ang may mga tama sa ulo at katawan. Tatlo ay tila hinubaran pa ng kanilang mga bullet-proof vest, bago binaril sa katawan. Kaya malakas ang hinala na hindi na makalaban ang mga pulis nang hinubaran ng kanilang vest dahil may mga tama na rin sa ibang bahagi ng katawan. Lahat ito ay patunay sa karahasan at kalupitan na sinapit ng mga SAF sa kamay ng mga MILF o BIFF. Nagpapatibay na rin ito sa katunayan ng video na umiikot ngayon sa social media kung saan binaril ang nakahiga at wala nang laban na mga pulis.

Ito ang hinagpis ni PNP OIC Gen. Leonardo Espina sa kanyang talumpati sa Kongreso. Bakit kailangan pang tapusin ang kanyang mga tao ng ganyan, kung wala na ngang laban. Bakit hindi binigyan ng ayuda ang mga hindi na makalaban? Kahit si MILF chief negotiator Mohagher Iqbal ay hindi rin masagot ng deretso ang tanong na ito. Sa katunayan nga, walang kinalaman ang kanyang sagot na dahil malalakas daw ang mga armas ng magkatunggaling panig at magkalapit lang sila noong nagtagpo. Iyan ang pwedeng paliwanag kung bakit malulubha ang mga sugat at tama sa katawan, pero hindi kung bakit puro sa ulo ang tama. Ayon pa sa medico-legal, mga maliliit na kalibre ng baril ang ilang mga tama sa ulo tulad ng 9mm, kaya mga handgun na lang ginamit nang barilin sila, at hindi mga mahahabang armas.

Malinaw na paglabag ito sa tinatawag na Geneva Convention na nagbibigay ng mga patakaran hinggil sa mga mandirigma na hindi na makalaban. Maging may mga tama na sila sa katawan o naubusan na ng bala. May mga patakaran kung paano dapat tratuhin ang mga hindi na makalabang sundalo o mandirigma. Malinaw na hindi ito sinundan ng mga MILF at BIFF. Pero sa totoo lang, anong pakialam nila sa Geneva Convention? Matagal nang lumalabag ang mga rebeldeng Moro at kriminal na Abu Sayyaf sa kanilang kaugalian na pugutan ng ulo ang mga sundalo.

Ito ang isa pang “gray area” sa insidenteng ito. Isusuko ba ng MILF ang mga nasa likod ng karahasang ito? Ayon kay Iqbal, hintayin na muna ang kanilang imbistigasyon. Para na ring sinabi na ang ituturo ay ang mga BIFF, na sa kasalukuyan ay walang anumang kasunduan sa gobyerno at tinuturing mga kalaban ng bansa. Sa aspetong ito, tila walang makukuhang hustisya ang mga bayani natin.

Show comments