TINANGGAP na ni President Noynoy Aquino ang pagbibitiw ni suspended PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima kahit masakit para sa kanya. Dalawampung minutong nagsalita sa telebisyon si P-Noy at bago inihayag ang pagtanggap sa pagbibitiw ng suspendidong PNP chief, ay sinabi muna kung paano nagsimula ang operasyon ng Special Action Force (SAF) sa dalawang terorista na sina Zulkifli Bin Hir, alias Abu Marwan at Basit Usman. Tagumpay ang operasyon, pero mabigat ang kapalit dahil 44 na SAF commandos ang nagbuwis ng buhay.
Sinumbatan din niya ang commander ng SAF na dapat daw, alam nito ang operasyon dahil matagal na siya sa Mindanao. Hindi sana nangyari ang trahedya kung naipatupad nang tama ang operasyon. Ibig sabihin ng Presidente, ang SAF commander ang dapat managot sa lahat.
Hanggang sa sabihin na niya ang tungkol kay suspended PNP chief Dir. General Alan Purisima. Malaking papel daw ang naging bahagi ni Purisima sa pagtugis sa dalawang terorista. Binanggit din naman ng Presidente ang mga nagawa ni Purisima noong panahon ng kudeta kung saan ay naambus sila. Si Purisima ang nag-design, nagpatupad, nagsanay sa kanila ng modified VIP protection course. Mula raw noon, hanggang ngayon, marami silang pinagdaanan. Kasama raw niya si Purisima sa pakikipagtunggali sa mga makapangyarihang interes na maaari silang ipahamak. Hindi raw siya iniwan ni Purisima. Kaya masakit daw para sa kanya na aalis na ito sa serbisyo.
Malalim ang kanilang pinagsamahan ni Purisima. Matibay ang kanilang pagkakaibigan pero sa nangyaring trahedya, mayroon siyang dapat pakinggan at ito ay walang iba kundi ang tinig ng kanyang mga “boss”. Salamat naman at nakinig din siya pagkaraan ng mga matitinding kontrobersiya.