EDITORYAL – Hanapin si Basit Usman!

NAGSALITA si President Aquino noong Biyernes ng gabi at inilahad ang nangyaring operasyon ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong madaling araw ng Enero 25. Napatay ng SAF commandos ang Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir, alias Abu Marwan subalit ang kapalit ay 44 na buhay. Sabi ng Presidente, mabigat ang kapalit ng tagumpay.

Makaraan iyon, inisa-isa naman ng Presidente ang mahalagang papel na ginampanan ni suspended PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima para mahuli si Marwan at ganundin ang malalim nilang pagsasamahan noong 1987. Kasunod ay sinabi na tinatanggap na niya ang pagbibitiw ni Purisima sa serbisyo. Sabi ni Presidente, masakit para sa kanya ang pag-alis ni Purisima.

Nangyari na ang pagkakapatay sa 44 na SAF at nagbitiw na si Purisima. Subalit hindi pa rito nagtatapos ang lahat sapagkat nakakalaya pa ang teroristang si Basit Usman. Isang malaking katanungan kung bakit hindi napatay si Usman. Kung sana’y napatay din si Usman, hindi sana magiging masakit ang pagkamatay ng 44 na SAF.

Ang inaabangan ngayon ay kung mahuhuli si Usman lalo’t nagbabala si P-Noy na gagawin ang lahat para ito madakip. Matigas din ang paalala niya sa MILF: “Kung nasa loob siya ng inyong teritoryo o nasa ilalim siya ng pangangalaga ng sinuman sa inyo, inaasahan kong isusuko ninyo siya sa mga awtoridad. Kung hindi, ay gawin ang lahat upang tumulong sa pagdakip sa kanya. At kung hindi pa rin maaari ito, ay huwag makialam sa aming pag-uusig kay Usman. Magsilbi sana itong babala at paalala: Huhulihin namin si Usman, anuman ang maging desisyon ninyo, sino man ang kumukupkop sa kanya, at saan man siya nagtatago.”

Aabangan ng taumbayan ang mga sinabi ng Presidente. Gawin ito sa lalong madaling panahon para maibsan ang kirot ng mga naulila. Sagasaan ang sinumang hahadlang sa paghuli kay Usman!

Show comments