KRISIS. Ito ang pahayag ni PNP OIC Gen. Leonardo Espina sa kalagayan ng Philippine National Police ngayon. Mababa ang moral, dahil na rin sa wala pang linaw sa naganap na pananambang ng MILF at BILF sa mga miyembro ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao. Ang mahirap pa para sa mga pulis ay hindi naman sila pwedeng magbakasyon muna at magluksa para sa kanilang mga kasamang namatay. Ano na ang mangyayari sa bansa kung hindi epektibo ang kapulisan, hindi ba? Maraming mananamantala sa ganyang sitwasyon, at malalagay naman sa peligro ang sambayanang Pilipino.
At patak-patak ang paglabas ng mga impormasyon tungkol sa Mamasapano. Kailan lang ay inamin ni Police Director Getulio Napeñas, hepe ng SAF, na pinigilan daw siya ni Gen. Alan Purisima, ang suspindidong director ng PNP, na ipaalam ang misyon kay Espina. Kaya totoo nga ang usapin na may kinalaman siya sa misyon, kahit suspindido na. Kung pwede pa niya gawin ito habang suspindido ay hindi malinaw. Hindi rin masabihan si DILG Sec. Mar Roxas dahil hindi daw niya puwedeng gawin ito, base sa chain of command. Ang puwedeng magsabi sa kalihim ay ang hepe ng PNP. Pero sino nga ba ang hepe ngayon? Tila aktibo pa rin si Purisima, at tila walang kapangyarihan sina Roxas at Espina.
Kaya naman naguguluhan na ang PNP. Sino ba ang dapat nilang sundan ng tama? Sinundan nila sina Purisima at Napeñas 44 ang nalagas mula sa kanilang hanay. Kung nasabihan sina Roxas at Espina tungkol sa misyon, pati na rin ang mga heneral ng AFP, hindi kaya sila nakapagbigay ng mga payo o mungkahi para mas maging ligtas at matagumpay ang misyon? Parang may mali yata diyan. At sino pa ang nakakaalam sa misyon, bukod kay Purisima?
Magsisimula ang imbestigasyon sa mga kaganapan sa Mamasapano, Maguindanao sa Senado sa Lunes. Ayon kay Sen. Grace Poe, nangakong dadalo si Purisima. Pero kung magsasabi ng lahat ng kanyang nalalaman ay hindi pa alam. Dumalo na si Purisma sa Senado noon, at hindi nakuntento ang mga Senador sa kanyang mga sagot. Sa totoo nga, ang pangamba ng marami ay pagtatakpan na ang insidente. Sana huwag naman, at pagwawalang-galang na iyan para sa mga namatay na bayani. Kailangan mabigyan na ng sagot ang tanong nang marami, para tumigil na ang krisis.