HINIHINTAY ng lahat ang pagbukas ng imbestigasyon sa Mamasapano. Sa kabila nito’y mahirap na makahanap ngayon ng taong walang opinyon sa nangyari. Nagbigay na ng pahayag sa media ang mismong SAF; may account ang survivors; ang DILG Secretary at Chief PNP ay umamin na initsa-puwera; ang militar ay naghugas kamay at, sa sarili nilang imbestigasyon, ay sinabing wala silang pananagutan; si P-Noy nag-issue ng hilaw na statement at ang MILF ay nagsasabing wala silang kasalanan. Kulang na lang ang pagtatapat nina suspendidong Gen. Alan Purisima at Executive Secretary Paquito Ochoa.
Sampung araw na ang nakalipas at patuloy pa ring nagkakamot ng ulo ang mamamayan sa kung bakit nagkaganoon. Ang gaganapin sanang Senate hearing ngayon ay naurong sa Peb. 9 or 10 at ang House Hearing naman ay sa Peb. 11. Ang PNP Board of Inquiry pa lang ang kumikilos at ayon sa ulat ay nakakuha na sila ng testimonya ng halos 300 nakasaksi upang maihanda ang kanilang ulat. Buong Pilipinas ang nakatutok sa imbestigasyon. Dahil karamihan ay diskumpiyado sa komposisyon ng panel, mahihirapan itong kontrahin ang duda sakaling malamya ang maging rekomendasyon nito.
Malamyang ituturing ng tao ang anumang resulta na walang paglilinaw sa papel na ginampanan ng lahat sa nangyari. Kapag hindi inilahad ang ikinilos ng bawat opisyal na may partisipasyon sa trahedya, hindi matatahimik ang mga pamilya ng nasawi. Higit dito ay hindi rin matatahimik ang lipunan dahil malinaw na tinuring na rin ng bawat isa sa atin na personal na kawalan ang pagkamatay ng ating mga public servant na kapulisan.
Pansamantala ay sana tantanan na ng mga pulitiko ang pagsamantala sa okasyon para magpabuti ng papel. Tulad ng ginagawang pakikiramay at pagdalamhati sa pamilya ng mga namatayan. Nakakagulat na bitbit ng mga ito ang sangkatutak na media para may coverage ng kanilang bisita. Kung talagang taal silang nakikiisa, mas maganda sana kung ginawa itong “closed door” na mas personal at sinsero at iwas sa mata ng press.