HABANG ang marami patuloy pa ring nagtatalakay at nag-aanalisa sa nangyaring madugong engkwentro sa Maguindanao, marami naman ang pilit gumagawa ng paraan para mailihis ang isyu.
Sila ang mga ‘spin doctor.’ Magagaling magpaikot ng isyu at ang tanging layunin, maibaon nalang sa kalimot para matabunan at matakpan na ng iba.
Diyan magagaling ang mga hipokrito at bahag ang buntot na mga senador at kongresista na walang ibang ginawa kundi magkasa ng kung ano-anong imbestigasyon.
Depende sa partido, estratehiya nila ito para patayin ang anumang isyung makakasira sa kanilang kamada. Baka kasi makaapekto pa ito sa kanilang ambisyon sa susunod na eleksyon.
Kaya ang nangyayari, ang isyung pinagsawaan na ng taumbayan, pilit nilang binubuhay. Iniiba lang ang anggulo at diskarte pero ang binabakbakan, parehong personahe.
Sariwa at mainit pa sa buong mundo ang nangyaring ‘massacre’ sa Mamasapano, Maguindanao. Nangako ang administrasyon, magbibigay sila ng mga tulong-pinansyal, benepisyo at scholarship grant sa mga nabalo at naulilang pamilya ng 44 na myembro ng Philippine National Police Special Action Force.
Sana hindi ito isang uring panlilihis lang o “PR job” ng administrasyon para mamatay na agad at matuldukan na ang isyu.
Naniniwala ang BITAG Live na anumang tulong na ibibigay ng gobyerno sa mga naulila, ilagay nalang sa trust fund. Hindi na kailangan pang ilagay sa ilalim ng kung anong institusyon sa pamahalaan.
Baka kasi sa halip na nakalaan na sa mga naulila, lalabas na sila pa ang luluhod at magmamakaawa. Ang masaklap pa, baka kung sinuman ang nakaupo sa departamento, mang-abuso at manamantala.
Hustisya ang isinisigaw ng mga naiwan ng ‘SAF44.’ Ang tanging panunuyo lang ng administrasyon sa ngayon, puro pangako na sana huwag mapako.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.