NAPAKAHALAGA ng presensya ng mga alagad ng batas sa lansangan.
Kapag ang mga pulis madaling hanapin, madaling tawagan at madaling puntahan, magdadalawang-isip muna ang mga masasamang-loob na gumawa ng anumang katarantaduhan.
Kaya nga ako’y natatawa sa ipinagmamayabang ng ilang opisyal sa pamahalaan, bababa na raw ang krimen dahil mayroon ng mga nakasabit at idadagdag pang closed-circuit television (CCTV) camera sa bawat sulok ng lansangan.
Inaakala na yata na sa pamamagitan nitong gasgas at napaglipasan na ng panahon na teknolohiya, masusugpo na ang krimen. Para bang iniasa na rito ang crime prevention. Tsk…tsk!
Maaaring nakakatulong ang CCTV sa pagresolba ng krimen pero hindi na ito kinatatakutan ng mga kriminal.
Sinasabi ng Department of Interior and Local Government (DILG), ipapatupad na ngayong Marso ang digital data ma-nagement system sa Philippine National Police (PNP).
Ito ’yung sinasabi ni Sec. Mar Roxas, maliban sa mga CCTV, bagong teknolohiya na parang centralized reporting system sa PNP, gagamitin sa pagtatala, pag-aanalisa at pagkakategorya ng krimen. Sa madaling sabi, technology-driven at statistics-driven.
Ang problema, aanhin itong sinasabing software o teknolohiya kung wala namang establisyimento at istruktura? Aanhin ang mga istatistika na matatapos lang sa pagtatala, pag-aanalisa at pagkakategorya kung ang mga kriminal tuloy pa rin sa kanilang pinaggagawa?
Malapit na talaga ang eleksyon. Masabi lang mayroon silang ginagawa at may ma-ireport lang sa taumbayan.
Matagal at paulit-ulit ko nang sinasabi sa aking progra-mang BITAG Live maging sa kolum na ito, crime prevention infrastructure ang dapat isaayos sa Pilipinas. Katumbas nito ang central communication o 911 sa Amerika.
Kung talagang gusto ni Sec. Roxas na mapababa ang krimen, ang una dapat niyang gawin, mag-set up ng central communication system sa Kampo Crame hindi kung anu-anong mga suntok sa buwan na teknolohiya sa DILG.
Bawat tawag, namo-monitor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na konektado sa lahat ng mga distrito, presinto, sub-precinct at barangay para sa agarang responde mapa-pulis, medikal o sunog.
Sinumang pulis na nagpapatrulya o barangay ang malapit sa lugar, siya ang unang reresponde sa reporting party o sa tumawag sa dispatcher kung krimen ang pag-uusapan.
Hindi ’yung estilong patingi-tingi o piecemeal masabi lang na mayroon silang ginagawa. Sabi nga, “don’t reinvent the wheel.” Kokopya ka na lang din sa ibang bansa, hindi mo pa lubus-lubusin. Para sa iyo ’yan, Sec. Mar!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.