Ang bansa’y dinalaw ng tanging bisita
ng butihing Pope Francis dakila talaga
Malakas na ulan hindi alintana
kahit bumabagyo siya ay nagmisa!
Sa nakitang ito nitong sambayanan
ang lahat ng Pinoy ay kanyang karamay;
At sa bawa’t pook na kanyang pinuntahan
tao’y nagbubunyi at siya’y iginalang!
Nag-pilgrimage milyun-milyong tao
bawa’t misa n’ya ay dagsa ang tao;
Bata at matanda’y yumayakap dito
na ginaganti n’ya ng halik at hipo!
Sa lahat ng Pope na dito’y dumalaw
tanging si Pope Francis lubhang napamahal;
Siya’y naiiba at tunay na banal
kaya sa Philippines Siya’y napamahal!
Tacloban at Leyte kanyang dinasalan
Bohol at iba pang dapat na tulungan;
Si Pope Francis pa rin nagsilbing patnubay
ang kanyang pagbalik dapat na abangan!
Pananampalataya nating Pilipino
nakita ng Papa na tayo’y solido;
Anumang relihiyon gustuhin ng tao
tayong mga Pinoy ay para kay Kristo!
Kaya tayo’y dapat na magpasalamat
pagka’t buhay niya ay isang alamat;
Ipagdasal nating siya’y maging dapat
na tanghaling Santo sa lahat ng oras!
Saang baya’t saang pook sa loob ng bayan
itong si Pope Francis ay inaabangan
Paghanga sa kanya’y walang katapusan
maglaho man siya walang kamatayan!