‘Labis na diskarte, desisyon at diskresyon’
SA dami ng mga isyu at kontrobersiyang naglutangan at kabi-kabilaang mga imbestigasyon na wala namang katuturan, hindi na lingid sa kaalaman ng publiko ang totoong ugat nito.
Marami sa mga may namumuno at “lider” kung ituring nila ang kanilang mga sarili kahit wala silang katangian ng isang lider, umabuso sa kanilang kapangyarihan.
Labis-labis o sobra sa kanilang mga desisyon, diskresyon at diskarte kesahodang hindi na ito ayon sa mga panuntunan at sa kapakinabangan ng nakararaming mamamayan. Sa anuman nilang mga interes at kadahilanan, hindi ko na ito iisa-isahin at papakialaman.
Matagal na itong ginagawa ng ilang mga opisyal sa pamahalaan. Palibhasa’y lider kuno sa isang ahensya o departamento, akala yata may karapatan na silang magdesisyon ng sila-sila na lang.
Kung aanalisahin, ganito ang nangyari doon sa maanomalyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) na hanggang ngayon hindi pa rin natutuldukan. Labis na pagdidiskarte ng mga kinauukulan.
Hindi ito layo doon sa ipinupukol na mga isyu kay dating Health Secretary Enrique Ona. Ayon sa medical community, hindi naging transparent ang kalihim sa kaniyang mga naging desisyon sa pagbili ng mga medisina at pagpayag sa isinagawang clinical trial. Naging dahilan tuloy ng pagkakatanggal niya sa pwesto.
Ganito rin ang nangyari sa sinuspinding hepe ng Philippine National Police na si Gen. Alan Purisima. May hokus-pokus umano sa kwestyunableng gun license delivery deal gamit daw ang isang pinaborang pribadong courier.
Ilan lamang ito sa mga malalaking isyung sariwa pa rin sa isipan ng publiko. Iba pa ito doon sa ibinuking ni Public Works and Highway Sec. Rogelio Singson noong nakaraang buwan.
Ang pilit pa rin daw na pakikialam at panghihimasok ng ilang mga nasa ehekutibo at lehislatura sa mga proyekto ng gobyerno.
Milyones na pondo ang totoong sentro sa isyu dito. Kung kaya marami ang mga tulo-laway, nagkaka-interes at talagang nakikipaglaban ng patayan sa mga programa at proyekto kuno.
Sana natuto na ang taumbayan sa mga pangyayaring ito sa pamahalaan. Dapat bantayan ang bawat kaganapan dahil nasa kamay ni Juan at Juana Dela Cruz ang magiging kapalaran at kahihinatnan ng bansa.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest