EDITORYAL – Kailan walang mapuputulan ng mga daliri?
HINDI rin ganap na tagumpay ang kampanya ng Department of Health (DOH) na walang mapuputulan ng daliri o masusugatan sa paputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Umabot sa 351-katao ang naputukan at karamihan sa mga ito ay bata. May mga naputulan ng daliri at ang ilan ay nasabugan sa mukha. Mayroon ding mga matatanda na nasabugan dahil nagpapayabangan sa paghahagis ng triyanggulo. Palibhasa’y lasing at mayroong kinakain na malagkit, dumikit ang triyanggulo sa daliri at doon sumabog. Dalawang daliri ang naputol. Karaniwang pinapuputok ng mga bata ay piccolo na delikado dahil bago pa maihagis ay sumasabog na sa kamay. Mayroong bata na pinulot ang umano’y nagmintis na piccolo pero sumabog sa kanyang mukha. Muntik mabulag ang bata.
Hindi pa rin natakot ang mga nagpaputok kahit na dinispley pa ng mga ospital ang mga equipment sa pagputol ng kamay, gaya ng lagari at iba pa. Hindi pa rin nasindak kahit na sinabing madaling kumalat ang tetano sa katawan. Wala nang pagkatakot ang mga tao --- lalo ang mga bata sapagkat walang patumangga kung maghagis ng piccolo at ang iba naman ay tuwang-tuwa pa na nakikipagpaligsahan sa pagsisindi ng kuwitis. Ni walang pananggalang sa pagsisindi at hindi nangingiming tamaan sa mukha ng depektibong kuwitis. Ang kuwitis ang karaniwang sanhi ng sunog sapagkat pumapasok sa loob ng bahay. Ang nangyaring sunog sa Apolonio Samson noong Enero 1 ay dahil sa kuwitis na pumasok sa bahay.
Ganunman, mapupuri rin ang DOH sa ginawang kampanya (gumastos pa nang malaki sa TV commercial) para lamang maiparating ang mensahe sa mamamayan kaugnay sa masamang epekto ng pagpapaputok.
Maaaring sa susunod na Bagong Taon 2016 ay magtatagumpay na ang DOH at makakamit na nila ang “zero casualty”. Kailangan lamang ay paigtingin pa ang kampanya at himukin ang marami na huwag nang magpaputok. Mas masaya ang pagdiriwang ng Bagong Taon na buo ang mga daliri at hindi bulag.
Mas maganda rin naman kung magkakaroon ng isang lugar sa barangay kung saan doon lamang sama-samang magpapaputok ang mga residente.
- Latest