^

PSN Opinyon

Lalaking nagpa-‘sex change’

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

IPINANGANAK si Romy noong Abril 4, 1962. Ang nakare­histro niyang pangalan ay “Romy Silos” at ang nakasaad niyang kasarian ay lalaki. Ngunit mula pa sa pagkabata, pakiramdam niya, isa siyang babae. Kumunsulta siya sa iba’t ibang doktor sa United States upang mapalitan ang kanyang kasarian. Natupad ang pangarap ni Romy nang maoperahan siya sa Bangkok, Thailand noong Enero 7, 2001 para maging ganap na babae. Pagkatapos, sinuri siya ng isang doktor sa Pilipinas na nagpatunay na sumailalim siya sa sex change.

Simula noon, nabuhay na si Romy bilang babae. Nag­karoon siya ng nobyong Amerikano at nakatakda na silang magpakasal. Bago iyon, nagsampa ng petisyon sa husga­do si Romy upang mapalitan ng “Remy” ang panga­lan niyang “Romy” na nakasaad sa birth certificate at ang kasarian naman niyang lalaki ay mapalitan ng babae. Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang husgado pabor kay Romy. Hindi raw maaaring isisi kay Romy na ang maging paki­ramdam ay babae at wala namang masama kung pag­bigyan ang kanyang petisyon. Tama ba ang husgado?

MALI.  Una sa lahat, hindi maaaring palitan ang panga­lan sa birth certificate dahil lamang sa ginawa na “sex re-assignment”. Isang pribilehiyo lamang ang pagpapalit ng pangalan at hindi isang karapatan. May interes ang republika sa mga pangalan ng tao kung kaya kinokontrol ang ginagawang pagpapalit ng pangalan sa pamamagitan ng batas (Republic Act 9048). Mas maituturing na isang tungkuling administratibo ang proseso ng pagpapalit ng pangalan. Ito’y ginagawad ng Civil Registrar at hindi ng husgado. Mapapalitan lamang ang pangalan ng isang tao kung ito ay katawa-tawa, kaakibat ng isang kahihiyan, mahirap isulat o kaya’y mahirap bigkasin. Kailangan din na nakasanayan na sa komunidad ang pangalang ipapalit, matagal na ginagamit at makakabawas sa kalituhan ng mga tao. Sa RA 9048 ay hindi maaaring baguhin ang pangalan dahil lamang sa ginawang pagpapalit ng kasarian. Malaking kalituhan at mas magiging kumplikado ang mga rekord kung gagawin ito.

Ang pagpapalit ng nakalagay sa birth certificate tungkol sa kasarian ay dadaan muna sa husgado ayon sa Artikulo 407 at 408 (Civil Code). Hindi binanggit o kinilala sa batas ang pag­papalit ng pangalan dahil  sa ginawang pagpapalit ng kasarian. Ang kasarian ng isang tao ay nalalaman sa oras na siya ay ipina­nganak. Ang komadrona/doktor ang mag-uulat ng kasarian nito base na rin sa ari na mayroon ang sang­gol. Hindi ibinibilang sa na­sabing klasipikasyon ang tungkol sa mga nagpa “sex reassignment”.

Mali na sabihing wala namang masama kung sakali at payagan ang pagpapalit ni Romy ng kasa­rian. Magkakaroon ito nang malawak at seryosong im­plikasyon sa lipunan. Isa sa pinakamahalagang insti­tusyon ang kasal. Ang kasal ay maaari lamang sa pa­gitan ng isang lalaki at isang babae. Kapag pinayagan ang petisyon ni Romy, ma­babago ang konsepto ng kasal. Matatanggap na ang pagpapakasal sa pagitan ng isang lalaki at ng kapwa niya lalaki na nagkaroon ng sex reassignment. Maba­bago rin ang mga batas natin lalo at tungkol sa mga ka­rapatan ng babae sa lipunan, sa kanyang trabaho, sa kanyang karapatan bilang tagapagmana at marami pang iba (Silverio vs. Republic, G.R. 174689, October 22, 2007).

BABAE

CIVIL CODE

CIVIL REGISTRAR

ISANG

KASARIAN

PANGALAN

ROMY

SHY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with